Kinuwestiyon ni Bicol Saro Rep. Terry Ridon kaugnay ang sinabi ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste na hawak umano nito ang buong listahan ng 2025 Department of Public Works and Highways (DPWH) projects listing at proponents.
Matatandaang galing umano ang kopyang ito sa yumaong si dating DPWH Usec. Catalina Cabral ayon kay Leviste.
Batay sa Facebook post ng kongresista noong Disyembre 19, sinabi niyang matutuldukan daw ang imbestigasyon sa maanomalyang flood control projects sa oras na mailabas ang naturang listahan.
Maki-Balita:‘Listahan ng proponents ng DPWH insertions, nasa computer ni Cabral!’—Rep. Leandro Leviste
Kaya sa X post ni Ridon nitong Lunes, Disyembre 22, kinuwestiyon niya ang kapuwa kongresista kung bakit ngayon lang umano nito binanggit ang tungkol dito.
“Mahalagang ipaliwanag din niya kung bakit ngayon lang niya binabanggit ang listahang ito, ngayong patay na ang nag-iisang maaaring makapagpatunay ng authenticity ng dokumentong ito,” ani Ridon.
Nauna nang sinabi ni Leviste na hindi niya umano mailabas ang naturang dokumento dahil hinihintay niya ang hudyat ni DPWH Sec. Vince Dizon.
Ngunit sabi ni Ridon, “Hindi niya kailangan ng abiso mula sa Kongreso o kay DPWH Sec. Vince Dizon para gawin ito.”
Samatala, wala pa namang pahayag o reaksiyon si Dizon hinggil dito.