December 23, 2025

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

'Ah kapag nakapatay pala!' Pokwang, nagpasaring tungkol sa revocation ng driver's license?

'Ah kapag nakapatay pala!' Pokwang, nagpasaring tungkol sa revocation ng driver's license?
Photo courtesy: via Balita/MB

Usap-usapan ng mga netizen ang Instagram story ng Kapuso comedienne-TV host na si Pokwang tungkol sa revocation ng driver's license, batay sa ulat ng isang media company.

Ibinahagi ni Pokwang sa Instagram story niya ang isang video clip ng panayam ng Rappler kay Land Transportation Office (LTO) Chief Asec. Vigor Mendoza II, tungkol sa pinag-usapang road rage na kinasangkutan ng isang dating miyembro ng Philippine National Police (PNP) na si Wilfredo Gonzales sa isang cyclist na si Allan Bandiola. Naganap ito sa Welcome Rotonda, boundary ng Maynila at Quezon City noong Agosto 8, 2023.

Batay sa panayam ng Rappler kay Mendoza, hindi nagkaroon ng permanent revocation sa driver's license ni Gonzales dahil ang parusang ito ay para lamang daw sa mga insidenteng nagbunsod sa kamatayan ng iba.

Saad pa rito, puwede raw mag-reapply si Gonzales makalipas ang dalawang taon subalit kailangan niyang dumaan sa pinaka-basic na hakbang sa pagkuha nito.

Tsika at Intriga

Hiningal ka rin ba? Video ni Ariel Rojas sa pagtawid sa 2 malls sa QC, pinanggigilan!

Kaugnay na Balita: QCPD chief, nagbitiw dahil sa presscon, kasama road rage suspect

Mababasa naman sa text caption ni Pokwang sa nabanggit na video clip ng balita, "Ah kapag naka patay pala doon lang ma revoke ang lisensya ng Forlife??? ah ganon pala ano po? ok...."

Photo courtesy: Screenshot from Pokwang/IG

Bagama't wala namang direktang tinukoy, espekulasyon ng mga netizen na maaaring may kinalaman daw ang reaksiyon na ito ni Pokwang sa nangyaring pagkumpiska sa driver's license ng kaniyang kapatid na nasangkot naman sa pambabatok at berbal na pananakit sa isang tatay na magkakariton, matapos umanong masagi ang kaniyang kotse.

Ayon sa naging pahayag ni LTO Chief Asec Markus V. Lacanilao noong Miyerkules, Disyembre 17, sinabi niyang napakinggan na niya ang magkabilang panig kaugnay sa nangyaring eskandalo sa kalsada.

“Hinayaan kong magpaliwanag ‘yong [magkabilang panig] pero nakita kodoon, at ‘yong mga kasamahan natin na mayroong pagmamalabis—mayroong pang-aabusong nangyari,” pagsisimula niya.

Ani Lacanilao, mababaw raw ang katwiran ng nasabing driver dahil inakala lang nito na tinamaan ng bahagi ng kariton ang sasakyan nito.

Dagdag pa niya, “Bumaba siya [at] pinagmumura niya ‘yong mag-ama. Tinakot pa. May threat pa siya na papatayin niya ‘yong tatay sa harap no’ng bata. Ganoon niya sinabi.”

Pagpapatuloy ni Lacanilao, kumpiskado na raw sa ngayon ang lisensya ng nasabing driver at tila hindi niya tinanggap ang sinabing katwiran nito sa kaniya.

“Talagang may grounds ‘yong ginawa niya. Sa ngayon, kumpiskado na driver’s license niya. Sinasabi ko nga sa kaniya na magtatatlong buwan na ako dito. Imposibleng hindi mo alam, hindi mo naririnig ‘yong kampanya against sa road rage lalo na at taga Antipolo siya,” paliwanag niya.

“‘Yong unang-unang araw ko dito inaksyunan ko agad ‘yong Antipolo rin ‘yong nangyari. Abuso talaga. Sinabi niya dahil nagalit siya doon sa mga tao niya bago siya pumunta doon, nadala raw niya. Pero hindi katwiran ‘yon,” pagdidiin pa niya.

Nilinaw naman ni Lacanilao na humingi na ng pasensya ang nasabing driver at nangakong ito na raw mismo ang pupunta sa LTO kapag nasangkot ulit sa road rage.

Tinding naman ni Lacanilao, “Hindi pupuwede ‘yong mga ganoon. Ang lisensya, hindi ninyo karapatan ‘yan. Pribilehiyo ‘yan na puwedeng bawiin anytime lalo na at ganiyan ‘yong ginawa ninyo.”

Samantala, nakatakda raw maglabas ang LTO ng resolusyon kaugnay sa desisyon nilang i-revoke ang lisensya ng nanakit na driver.

“‘Yong license, may recommendation na kami—mayroon na kaming aksyon, dahil sa nangyari, na i-revoke ‘yong driver’s license niya. Bukas ilalabas namin ‘yong resolution kasi may basis kami kung bakit kailangan siyang i-revoke,” pagtatapos pa niya.

Kaugnay na Balita: LTO, kinumpiska lisensya ng utol ni Pokwang na nambatok ng magkakariton

Matatandaang naglabas naman ng pahayag si Pokwang kaugnay sa viral video ng driver at inaming kapatid niya iyon, at humingi naman ng tawad sa magkakariton gayundin sa publiko.

Kaugnay na Balita:  Pokwang, inaming utol ang nanapak sa amang nagkakariton

BAKIT NGA BA NARE-REVOKE ANG DRIVER'S LICENSE?

Ipinaliwanag ng LTO sa kanilang portal ang dahilan kung bakit nare-revoke ang driver's license.

Nakalagay sa portal na kapag na-revoke ang lisensya, puwede pang mag-reapply nito makalipas ang dalawa hanggang tatlong taon, depende sa violation na kaniyang ginawa.

Photo courtesy: Screenshot from LTO Portal

Naglista sila ng ilang mga dahilan kung bakit posibleng ma-revoke ang isang driver's license.

1. Driving a motor vehicle used in the commission of a crime

2. Commission of a crime during apprehension

3. Driving under the influence of dangerous drugs, alcohol, or similar substance

4. Reckless driving

5. Procuring fake documents in applying for a driver's license

6. Three consecutive violations of the same law within a year

7. Cheating or the commission of certain fraudulent acts prior to the issuance of the license

8. Accidents of vehicle crashes resulting in death or injuries

9. Allowing unauthorized people to use your license 

Nakalagay rin na puwedeng umapela ang isang driver na na-revoke ang lisensya, sa mismong kalihim ng Department of Transporation (DOTr). 

Samantala, wala pang reaksiyon, paglilinaw, o pahayag si Pokwang kung tungkol nga ba sa lisensya ng kapatid niya ang tinutukoy ng kaniyang Instagram story.