Pumanaw na si Antipolo 2nd District Rep. Romeo Acop, sa edad na 78, noong gabi ng Sabado, Disyembre 20, matapos siya umanong matagpuang walang malay sa kaniyang silid.
Ang anunsyo ng pagpanaw ni Acop ay ayon sa kumpirmasyon ni Antipolo City 1st district Rep. at House Deputy Speaker Ronaldo Puno, na kasalukuyan ding nakaupo bilang chairman ng National Unity Party (NUP), sa ipinadalang mensahe sa media nitong Linggo, Disyembre 21.
"Sadly, he has really passed on. Our hearts are broken," saad ni Puno.
Ibinahagi rin ni Puno na sa 25 taon nilang magkaibigan ng dating kongresista, si Acop ay isang matapang at tapat na lingkod-bayan, kung kaya’t malaking kawalan hindi lamang sa kongreso, kung hindi maging sa buong bansa, ang naging pagpanaw niya.
"Our hearts are broken. He was a friend for more than 25 years and a devoted, courageous, HONEST public servant. The Congress and our Country are the lesser for his loss," aniya.
MAKI-BALITA: Romeo Acop, pumanaw na; natagpuang walang malay sa kuwarto
Dahil dito, sino nga ba si Romeo Acop?
Bago makilala sa kaniyang beteranong kongresista at representante ng ikalawang distrito ng Antipolo City, si Acop ay ipinanganak sa Sudipen, La Union.
Nakapagtapos siya ng kaniyang pag-aaral sa Military Science at military training sa Philippine Military Academy (PMA) bilang parte ng Magiting Class noong 1970.
Noong 1986 naman, nakuha niya ang kaniyang Bachelor of Laws (LL.B) sa Jose Rizal University, kung saan nakapagtapos din siya bilang cum laude.
Taong 1994 hanggang 1995, itinalaga ni dating pangulong Fidel V. Ramos si Acop bilang Criminal Investigation Service (CIS) ng Philippine National Police (PNP), kung saan may ranggo siyang Chief Superintendent.
Isa sa mga kilalang operasyon na naganap sa kaniyang paninilbihan dito ay ang Kuratong Baleleng Gang (KBG), na kilalang grupo sa pagnanakaw sa mga bangko noong 1995.
Kabilang si Acop sa mga nasampahan ng Ombudsman, ng kasong pagpatay sa kinikilalang 11 miyembro ng KBG, mula sa nangyaring shootout ng kapulisan, na isinagawa ng Anti-Bank Robbery and Intelligence Task Group (ABRITG), sa Commonwealth Avenue, Quezon City, noong Mayo 1995.
Marso 1999, ibinasura ng Regional Trial Court (RTC) ang nasabing kaso dahil sa kakulangan ng ebidensya.
Enero 2001, nag-retiro si Acop sa PNP.
Ilang dekada ang nakalipas, taong 2010, nanalo si Acop bilang representante ng ikalawang distrito ng Antipolo City, kung saan naupo siya hanggang 2019, at muli, noong 2022 para sa ikaapat niyang termino.
Isa pa sa pinakakilalang imbestigasyon na hinawakan ni Acop ay ang confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) noong 2024, kung saan si Acop ang nagtaas ng tanong sa Intelligence and Confidential Funds Audit Office ng Commission on Audit (COA) hinggil sa personalidad na “Mary Grace Piattos” at ilan pang mga kahina-hinalang mga detalye at liquidation na isinumite na acknowledgement receipts (ARs) ng OVP.
Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), walang lumabas na kahit anong record ng isang “Mary Grace Piattos” sa kanilang ahensya.
MAKI-BALITA: ‘Hindi nag-eexist?’ Mary Grace Piattos, walang kahit anong record sa PSA
KAUGNAY NA BALITA: VP Sara, nagsalita na patungkol sa misteryo ni Mary Grace Piattos
Kamakailan nama’y isa si Acop sa miyembro ng National Unity Party (NUP) 249 sumuporta sa ethics complaint kay Cavite 4th district Rep. Kiko Barzaga dahil sa kaniyang “disorderly behavior” bilang lingkod-bayan.
Bukod pa rito, si Acop ay naging chairman ng House quad-committee (quad-comm) sa 19th Congress.
Sean Antonio/BALITA