Inianunsiyo ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) nitong Huwebes, Disyemrbe 18 na makakatanggap na rin ng umento sa sahod maging ang mga minimum wage earners at mga kasambahay sa Caraga Region.
Base sa Wage Order No. RXIII-20, nabatid na kabuuang ₱40 ang itataas ng minimum wage rate sa rehiyon, na ipatutupad ng dalawang tranche.
Ayon sa NWCP, ang unang tranche ng umento ay nasa ₱20 at ipatutupad ito simula sa Enero 3, 2026, kung kailan ang minimum wage rate sa rehiyon ay magiging ₱455 na mula sa kasalukuyang ₱435 lamang.
Ang ikalawang tranche naman, na nagkakahalaga rin ng ₱20, ay magiging epektibo sa Mayo 1, 2026, kung kailan aabot na sa ₱475 ang minimum wage rate sa rehiyon.
"Effective 03 January 2026, the minimum wage rates in Caraga Region will be ₱455, per Wage Order No. RXIII-20. This will increase to ₱475 on 01 May 2026," anunsiyo ng NWCP.
Samantala, simula rin sa Enero 3, 2026, ang sahod naman ng mga kasambahay sa lahat ng lalawigan sa rehiyon ay magiging ₱6,500 na. Ito ay pagtaas ng P500 mula sa dating ₱6,000 lamang.
"Likewise, Wage Order No. RXIII-DW-06 increases the monthly minimum wage of kasambahays (domestic workers) in the entire region to ₱6,500," dagdag pa ng NWCP.