Usap-usapan ng mga netizen ang kumakalat na ulat at tsikang nag-unfollow sa Instagram account ng isa't isa ang mag-jowang Rhian Ramos at Sam Verzosa kamakailan.
Sa kasaysayan ng break-up issues ng showbiz couple na on the rocks ang relasyon o tuluyang nagkahiwalay na, nagiging batayan ng mga netizen ang pag-unfollow. Hindi lang ito sa relasyong mag-jowa, kundi maging senyales din ng hindi pagkakaunawaan ng mga magkakaibigan o magkatrabaho.
Napansin daw ng mga marites na netizen noong Miyerkules ng gabi, Disyembre 17, na hindi na naka-follow ang mag-jowa sa isa't isa.
Photo courtesy: Screenshot from Rhian Ramos/IG
Photo courtesy: Screenshot from Sam Verzosa/IG
Kung sisipatin naman ang accounts nilang dalawa, hindi pa sila nagbubura o nag-aalis ng mga post na magkasama sila.
Sa kabilang banda, umaasam ang fans at supporters ng couple na maaayos pa nila ang gusot, kung sakali man, dahil wala pa namang inilalabas na opisyal na pahayag o posts ang dalawa, para kumpirmahin ang mga espekulasyon.
Hindi naman sila masisisi dahil hindi naman ito ang unang beses na nagkaroon ng problema sa relasyon ng dalawa, at nagka-unfollowan.
Noong 2022, matatandaang nagka-unfollowan na rin ang dalawa, pero eventually, masasabing naayos naman at naging sila ulit.
Kaugnay na Balita: Rhian Ramos at Sam Verzosa, nag-unfollow sa isa't isa; hiwalay na ba?
Inamin naman ng dalawa na officially together na sila bilang couple noong Hulyo 2022.
Sa eksklusibong panayam pa nga ng Balita kay Sam noong Nobyembre 18, 2024, kaugnay sa pagtakbo niya bilang alkalde ng Maynila, naibahagi pa niyang si Rhian ang isa sa mga nagtulak sa kaniya para ituloy ang balak na pagkandidato.
Si Rhian daw ang naging inspirasyon niya dahil sa basbas nito.
"Siyempre po meron, she's my partner in life. I really consulted this decision sa kaniya," aniya.
Saad pa niya, marami pa raw siyang ikinokonsulta kay Rhian bukod pa sa pagsabak niya sa politika, dahil naniniwala raw siyang kailangang konsultahin ang lifetime partner lalo na sa major decisions.
"Kaya nga siya 'yong partner mo eh, kasi nakita mo sa kaniya 'yong mga values, qualities... and I believe in her values, mga character niya, pagkatao niya," aniya.
Aligned din umano ang kanilang mga purpose at objectives, pareho daw sila ng mga gusto.
Kaugnay na Balita: Sam Verzosa, may go signal ba kay Rhian Ramos bago tumakbong Manila mayor?
Nitong Nobyembre 2025, umingay ang isyung tila hiwalay na raw sila, pero itinanggi raw ito ni Sam sa pamamagitan ng ipinadalang text message.
Kaugnay na Balita: Rhian Ramos, Sam Verzosa iniintrigang hiwalay na!
Going back sa pag-unfollow sa isa't isa, lumulutang din ang tsikang pati raw ang "circle of friends" ng dalawa, kasama na rin sa inunfollow nila. Umano'y nakatikim daw ng hindi magagandang mga salita si Rhian mula sa mga nabanggit na common friends kaya nangyari daw ang pag-unfollow sa kanila.
Lalo pa raw lumakas ang bulung-bulungang nagsaulian na sila ng kandila matapos daw hindi maispatan si Rhian sa birthday party ni SV, na ginanap sa bahay ng huli noong Martes, Disyembre 16.
Habang isinusulat ang artikulong ito, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag sina Rhian at Sam hinggil sa isyu. Bukas ang Balita sa kanilang panig.