Inilunsad ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) nitong Miyerkules ang isang online dashboard na magbibigay-daan sa publiko na magsumite at subaybayan ang kanilang mga reklamo laban sa mga ahensya ng pamahalaan.
Ayon sa mga ulat, ang Accountability, Responsiveness, Transparency o ART dashboard ay magsisilbing gateway at analytic hub ng lahat ng digital-based platforms ng ARTA.
Kabilang sa mga digital platform ng ahensya ang Philippine Business Information Systems, na nagsisilbing repository ng mga regulasyon, at ang Anti-Red Tape Electronic Management Information System na nagbibigay ng access sa Citizen’s Charter ng ARTA.
Tampok sa dashboard ang real-time data analytics at isang interactive map kung saan maaaring masubaybayan ng publiko ang mga ahensya ng pamahalaan at mga lokal na pamahalaan na sumusunod sa Electronic Business One-Stop Shop at sa Citizen’s Charter.
Maaari ring tingnan sa dashboard ang datos hinggil sa resolusyon ng mga reklamo na inihain laban sa iba’t ibang tanggapan ng gobyerno.
Mayroon din itong artificial intelligence-powered search engine na tinatawag na Tala 3.0, na maaaring gamitin para sa mga katanungan o sa paghahain ng anonymous na reklamo.
Dagdag pa sa ulat, umaasa ang ARTA na makapaglalagay ng mga kiosk na may ART dashboard sa iba pa nilang mga tanggapan, depende sa pondong kanilang matatanggap sa panukalang badyet para sa 2026.