Sinabi ni Mamamayang Liberal (ML) Party-list Rep. Leila de Lima na dapat matiyak ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang seguridad ni Ramil Madriaga na nagpakilalang “bag man” umano ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay De Lima nang tanungin siya sa isang panayam tungkol sa seguridad ni Madriaga, sinabi niyang hindi siya nakasisiguro sa kaligtasan ng nasabing testigo at kinakailangan daw na matiyak ng BJMP na mabantayan ito.
“Hindi ko po masasabi ‘yan,” pagsisimula niya, “I think yung pamunuan, the management of the BJMP facility, I think kailangan din nila to ensure the security of Mr. Madriaga, irrespective of what turns out from all of this.”
Dagdag pa niya, “I think his security is a concern in the meantime na mayroon ganito na kailangan talaga tignan, i-scrutinize, i-look into those allegations.”
Ani De Lima, nakatanggap daw siya ng kopya ng notarized affidavit ni Madriaga at sinabi niyang napakabigat at sensitibo umano ng mga paratang na binitawan nito hindi lang laban kay VP Sara kundi pati na rin kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
“I received a copy of the affidavit at syempre nakita ko, napaka-sensitibo, napakabigat ng kanyang mga akusasyon, hindi lang laban kay VP Sara kundi mayroon din siyang mga sinasabi tungkol sa dating Pangulo,” saad niya.
Pagpapatuloy ni De Lima, dapat daw na maging maingat sa ganitong sensitibong usapin.
“Bago ako, to take any action, let me first reserve any judgement, di ba? Kasi ang gusto ko pag mga ganitong mga bagay na maselan, sensitibo, ay maging maingat. So yun po ang sitwasyon,” ‘ika niya.
Pahabol pa niya, notarized na raw ang nasabing affidavit na Madriaga at kinakailangan na lang niya itong pagtibayin sa aktwal na forum.
“It's a notarized, duly-sworn affidavit. So magiging kulang na lang ay yung ia-affirm niya in a proper forum,” pagtatapos pa ni De Lima.
Samantala, kasalukuyan ngayong nasa kustodiya ng BJMP sa Bicutan, Taguig City si Madriaga.
MAKI-BALITA: Notarized affidavit ni Ramil Madriaga, inihain na sa Ombudsman
MAKI-BALITA: 'Black propaganda?' Roque, dinepensahan si VP Sara sa nagpakilalang ‘aid’ nito
Mc Vincent Mirabuna/Balita