March 15, 2026

Home BALITA National

'Black propaganda?' Roque, dinepensahan si VP Sara sa nagpakilalang ‘aid’ nito

'Black propaganda?' Roque, dinepensahan si VP Sara sa nagpakilalang ‘aid’ nito
Photo courtesy: Harry Roque (FB), MB FILE PHOTO

Dinepensahan ni dating Presidential Spokesperson na si Atty. Harry Roque si Vice President Sara Duterte kaugnay sa umano’y pagtanggap nito ng pondo mula sa POGO operators at drug dealers para sa kaniyang pangangampanya sa 2022 national election, batay sa isiniwalat ng nagngangalang Ramil Madriaga. 

Ayon sa naging pagbabahagi ni Roque sa kaniyang Facebook live noong Huwebes, Disyembre 11, sinabi niyang gusto lang daw sirain ng administrasyon si VP Sara dahil ayaw nilang maging susunod na lider ng bansa ang bise presidente. 

“Dapat po bago tayo maniwala sa mga impormasyon  na ipinapakalat laban kay VP Sara, dapat alam natin na gusto talagang sirain ng bangag administration si VP Sara dahil ayaw nila na sumunod na ang maging lider ito si VP Sara,” pagsisimula niya. 

Ani Roque, kilala raw mismo niya si Madriaga at sigurado raw siya na hindi naging aid noon ni VP Sara ang nasabing indibidwal. 

“Kakilala ko po kung sino ‘yong Madriaga na nagsasabi na siya ay dating aid ni VP Sara. Unang una po, sigurado ako, hindi ‘yan naging aid. ‘Yan po ay naging kasapi ng tinatawag na movement na sumuporta nga kay VP Sara pero ang pagkakaalam ko po hindi siya personal na kakilala ni VP Sara,” giit niya. 

National

US military assets, ‘di aalisin sa Pinas para sa giyera sa Middle East—AFP

Pagpapatuloy ni Roque, mayroon daw noong kasong kinakaharap si Madriaga at siya mismo ang personal na naghawak nito. 

“Kilala ko po itong Madriaga na ito dahil siya po ay isang akusado sa isang kaso na hanggang Setyembre ng taong ito [o] ng taong nakalipas 2024, ako ang personal na naghawak [ng kaso],” pagkukuwento niya.  

Dagdag pa niya, “Ngayon po opisina ko pa rin ang naghahawak ng kaso laban sa kaniya bilang private prosecutor under the direct and control of supervision on the public prosecutors.” 

Dalawang kaso raw na may kaugnay sa kidnapping for ransom ang kinakaharap ni Madriaga at nakabinbin ngayon sa hukuman. 

“Ang kaso po ay two counts of kidnapping for ransom. Now, syempre po, ‘yan ay nabinbin sa hukuman. Hindi natin puwedeng sabihin kung siya ay guilty or not guilty dahil hindi pa po napapatunayan,” aniya/ 

“Pero dumaan po sa proseso naman itong kaso laban kay Ramil Madriaga at ang nangyari po dito ay humingi siya ng bail… at matapos siyang humingi ng bail ay ‘yan po ay hindi napagbigyan ng hukuman dahil ang sabi ng hukuman, the evidence of guilt is strong,” paglilinaw pa niya. 

Ngunit ayon naman kay Roque, hanggang doon na lang ang mga impormasyon kaniyang maibabahagi tungkol kay Madriaga. 

“Ang nais kong ilinaw sa inyo, itong impormasyon na siya raw ay ex-aid ni VP Sara ay kasinungalingan po ‘yan. Hindi po siya kilala VP Sara, ang aking pagkakaalam,” saad niya. 

Ayon pa kay Roque, nagawa na rin daw noong magpa-blotter ni VP Sara kay Madriaga dahil a sa umano’y pagbabanta nito sa buhay ng bise presidente at sa kaniya na rin mismo. 

“Pangalawa kung hindi po ako nagkakamali ay nagpa-blotter nga po si VP Sara ng grave threats laban diyan kay Ramil Madriaga kasi binantaan ang buhay ni VP Sara at binantaan din po ang buhay ko,” pagkukuwento pa niya. 

Matatandaang mabilis na lumutang ang pangalan ni Madriaga noong Huwebes, Disyembre 11, 2025, na naghain ng kaniyang sworn affidavit  kaugnay sa noong direktang pagtatrabaho niya kay VP Sara at sa mga umano’y mga katiwaliang kinasangkutan nito. 

Ani Madriaga, naatasan raw siya noong buuhin ang grupong Inday Sara Duterte Is My President (ISIP) para sumuporta sa kandidatura nito noong 2022 election. 

Isiniwalat rin ni Madriaga sa kaniyang sinumpaang salaysay ang milyon-milyong halaga at duffle bag na umano’y kaniyang dinala sa iba’t ibang lugar sa panahon ng kaniyang pagsisilbi sa kay VP Sara. 

Samantala, wala pa namang inilalabas na pahayag si VP Sara kaugnay sa mga alegasyon ni Madriaga kaugnay sa kaniya. 

Mc Vincent Mirabuna/Balita