January 26, 2026

Home FEATURES Mga Pagdiriwang

ALAMIN: Mga kadalasang handang pagkain tuwing holiday season na ‘health risk’

ALAMIN: Mga kadalasang handang pagkain tuwing holiday season na ‘health risk’
Photo courtesy: Unsplash

Ipinaalala ng Department of Health-Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) sa publiko kamakailan ang pag-iwas sa ilang nakasanayang pagkain ng maraming Pinoy bilang parte ng kanilang kampanyang “Ligtas Christmas 2025.” 

Binubuo ito ng mga pagkain na matatamis, maaalat, matataba, at mamantika o tinatawag ding “4Ms,” dahil ang mga ito ay posibleng magdulot ng altapresyon, diabetes, at sakit sa puso. 

Bukod pa rito, kasama rin sa “bad habits” na nabanggit ng DOH-MMCHD ay ang sobrang pag-inom ng alak, paninigarilyo at vaping, at kakulangan sa physical activities. 

MAKI-BALITA: ‘Hinay-hinay sa pagkain!’ DOH-MMCHD, ipinanawagan disiplina sa mga ihahanda sa Pasko at Bagong Taon

Mga Pagdiriwang

ALAMIN: Nakikilala ba ang personality ng isang tao base sa sulat-kamay?

Kaya narito ang ilan sa pangkaraniwang handa tuwing holiday season na “health risk” sa katawan: 

Lechon 

Isa sa mga bidang pagkain sa handaan ay ang lechon dahil sa malinamnam nitong karne at malutong na balat. 

Bagama’t mayaman ito sa protina, ang lechon ay siksik din sa saturated fat, kolesterol, at sodium content, ang sobrang pagkain nito ay maaaring magdulot ng mga sakit tulad ng atake sa puso, pagtaas ng high blood pressure, at stroke. 

Crispy Pata

Ang madalas na i-partner ng maraming Pinoy sa lechon ay ang Crispy Pata, na kilala dahil sa malutong nitong balat at malambot na laman. 

Mayaman din ito sa protina, vitamin B12, at essential minerals tulad ng phosporus na nakatutulong sa malakas na buto, gayunpaman, ang sobrang pagkain ng Crispy Pata ay nagdudulot ng ilang sakit tulad ng atake sa puso, hypertension, diabetes, gout, at fatty liver dahil sa mataas nitong cholesterol at calorie content, sodium, at saturated fat. 

Hamon

Ang hamon ang kinikilala ng marami bilang “star ng Pasko” dahil para sa marami, hindi kumpleto ang noche buena kung wala ito. 

Siksik man ang protein at calorie content nito, dahil isa itong “processed meat,” mataas din ang sodium content nito, saturated fat, at preservatives na nakapagdudulot ng cancer, sakit sa puso, at pagtaas ng blood pressure. 

Embutido

Isa pa sa “processed meat” na palaging nasa hapag ng maraming Pinoy ay ang embutido na mayroong protina at fiber. 

Gayunpaman, dahil processed food ito at mataas din ang sodium content nito, na ang sobrang pagkain ay maaaring magdulot ng sakit sa puso, cancer at pagtaas ng blood pressure. 

Leche Flan

Ang creamy dessert na ito ang paborito ng marami Pinoy, lalo na ng mga bata dahil sa tamis at magatas nitong lasa. 

Bagama’t mayroon itong Vitamin A mula sa sahog nitong itlog, na nakatutulong sa malinaw na mga mata, at calcium, mula naman sa gatas, na nakatutulong sa bone health, mataas rin ito sa asukal, calories, fat, at cholesterol. 

Ang sobrang pagkain nito ay maaaring magdulot ng diabetes, malaking pagtaas ng timbang, at pagtaas ng kolesterol. 

Mahalagang tandaan na hindi masama ang magsaya at maghanda bilang parte ng pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon, ngunit ang sobrang pagkonsumo ng mga pagkaing maaalat, matatamis, matataba, at mamantika, ay maaaring makapagpahina sa iba’t ibang parte ng katawan. 

Sean Antonio/BALITA