Ipinanawagan ng Department of Health-Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) sa publiko ang pagsuporta sa “Ligtas Christmas 2025” campaign na nakatuon sa pag-iwas sa “bad habits” na nakasanayan na ng maraming Pinoy tuwing holiday season.
Unang-una sa sinasabing “bad habits” na ito ay ang sobra-sobrang pagkain ng matatamis, maaalat, matataba, at mamantika o tinatawag din bilang “4Ms,” na maaaring mauwi sa altapresyon, diabetes, at sakit sa puso.
Narito rin ang labis na pag-inom ng alak na kadalasang nagdudulot ng road crash, away, at pinsala sa kalusugan.
Sumunod ay ang paninigarilyo at vaping sa loob ng tahanan at mga pampublikong lugar na sanhi ng secondhand smoke, na mapanganib para sa mga bata at matatanda.
Ang kakulangan sa physical activities dahil sa mahabang oras sa handaan, panonood at paggamit ng gadgets, at pagpupuyat at kakulangan sa pahinga na nagpapahina sa resistensya ng katawan.
“Hindi natin dapat hayaang masira ang ating kalusugan nang dahil lamang sa mga nakasanayang hindi ligtas na gawain tuwing Pasko at Bagong Taon. Ang tunay na diwa ng Kapaskuhan ay hindi nasusukat sa sobra-sobrang handaan at bisyo, kundi sa kaligtasan, disiplina, at malasakit sa isa’t isa,” saad ni DOH-MMCHD Regional Director Lester M. Tan.
Ayon pa sa pahayag ng DOH-MMCHD Regional Epidemiology and Surveillance Section, na base sa isinagawa nilang pag-aaral noong ikaapat na quarter nang nakaraang taon, pumalo sa 50,502 adults (20-59 anyos) sa National Capital Region (NCR) ang mayroong hypertension.
Nasa 16,279 adults naman ang mayroong Type 2 Diabetes; 110,613 naman ang may sobrang timbang o obese; 37,936 ang binge drinkers; at 25,577 ang smokers.
Bukod pa rito, mayroong naitalang 422 kaso ng fireworks-related injuries (FWRI) sa NCR din mula Disyembre 21, 2024 hanggang Enero 6, 2025, na mataas ng 31% kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Kaya sa darating na Kapaskuhan at Bagong Taon, hinihikayat ng DOH-MMCHD ang bawat pamilya Pinoy ang pagkakaroon ng ligtas at mas malusog na selebrasyon sa pamamagitan ng Tamang Pagkain, Ehersisyo, at Disiplina (TED) para maiwasan ang mga sakit tulad ng diabetes at altapresyon.
Gayundin ang pagbabawas ng pagkain ng 4Ms, pag-iwas sa labis na alak, tamang oras ng pagkain kahit sa panahon ng handaan, at paghuhugas ng mga kamay bago at matapos ang paghahanda ng mga pagkain.
Ipinaalala rin ng ahensya sa publiko ang “Iwas Paputok,” kung saan, hinikayat nila ang publiko na tangkilikin ang community fireworks display, at paggamit ng ligtas na alternatibong paputok sa pagsalubong sa bagong taon.
Para naman sa local government units (LGUs) sa Metro Manila, nanawagan ang DOH-MMCHD na palakasin ang kampanya para sa ligtas na Kapaskuhan sa pamamagitan ng agresibong information drive at paghihigpit sa pagpapatupad ng mga ordinansa sa mga komunidad.
“Malaki ang papel ng ating mga LGU sa pagtataguyod ng isang ligtas at malusog na Kapaskuhan. Sa pamamagitan ng mahigpit na implementasyon ng mga ordinansa tulad ng mahigpit na pagbabawal sa paninigarilyo sa mga pampublikong lugar at paggamit ng mga iligal na paputok at aktibong partisipasyon ng mga barangay, masisiguro nating ligtas ang ating mga komunidad,” saad ni Director Tan.
Sean Antonio/BALITA