December 15, 2025

Home BALITA

Kaso vs VP Sara, 'di fishing expedition—EX-DOF Usec.

Kaso vs VP Sara, 'di fishing expedition—EX-DOF Usec.
Photo Courtesy: Cielo Magno (FB), via MB

Bumwelta si dating Department of Finance (DOF) Usec. Cielo Magno sa sagot ni Vice President Sara Duterte kaugnay sa bagong kasong kinakaharap nito.

Matatandaang tinawag ni VP Sara na panibagong “fishing expedition” ang hakbang na ito ni Magno at ng iba pang grupo laban sa kaniya.

Maki-Balita: 'Wag magpadala sa paninira!' VP Sara, hinikayat maging mapanuri mga Pilipino

Ngunit sa panayam ng radio program na “Ted Failon and DJ Chacha” nitong Lunes, Disyembre 15, pinabulaanan ni Magno ang sinabing ito ng Bise Presidente.

Cardinal Ambo, nanindigan para kay Fr. Flavie Villanueva

Aniya,"Hindi po ito fishing expedition. Lumang kuwento na nga po ito, e. Naipon na nang naipon ang ebidensiya. Kaya po napakaraming attachment na sinubmit no'ng nag-file tayo ng kaso.”

"Ang reaksiyon po siguro dito, sa dami ng isyung na-raise sa kaniya, hindi pa naman siya sumasagot at hindi pa siya nappanagot,” dugtong pa ng dating opisyal ng DOF.

Kaya naman sa Office of the Ombudsman (OMB) na nila idiniretso ang paghahain ng reklamo upang makabuo ng malakas na kaso na ihahain kalaunan sa Sandiganbayan.

Matatandaang sinampahan nina Magno ng plunder at iba pang kasong kriminal si VP Sara sa Ombudsman kasama ang 14 pang opisyal noong Disyembre 12.

Ito ay dahil sa umano’y maling paggamit ng  ₱612.5 milyong confidential funds ng kaniyang opisina at sa panahon ng paninilbihan ng Bise Presidente bilang kalihim sa Department of Education (DepEd).

Kasama ni Magno sa paghahain ng kaso sina Ramon Magsaysay Awardee Fr. Flaviano Villanueva, running priest Fr. Roberto Reyes, dating presidential adviser on the Peace Process Teresita Quintos-Deles, UP Professor Emerita Dr. Sylvia Estrada Claudio,  writer at anti-corruption advocate Christopher Cabahug, gayundin ang mga lider-kabataan na sina Matthew Christian Silverio at John Lloyd Crisostomo.

MAKI-BALITA: VP Sara kinasuhan ng plunder, atbp. sa Ombudsman