Ipinaliwanag sa publiko ni dating Department of Finance USec. Cielo Magno na hindi raw sapat ang impeachment process upang mapanagot si Vice President Sara Duterte kaya nagsampa sila ng patong-patong na kaso laban dito.
Ayon sa naging panayam ng True FM kay Magno nitong Lunes, Disyembre 15, nilinaw niyang isang political na proseso ang impeachment na kinauugnayan ni VP Sara.
“Ang impeachment process ay isang political na process,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “Ito pong sinampa nating kaso ay criminal cases laban sa pangungurakot at naaayon po ito sa iba’t ibang mekanismo natin sa pamahalaan para mag-demand ng accountability sa ating mga politiko.”
Ani Magno, hindi rin naman daw makakasagabal ang pagsasampa nila ng kaso sa Bise Presidente para mapatigil ang impeachment process nito.
“Ang pagpa-file po ng plunder case before the Ombudsman ay hindi nakakapag-hinder o hindi nito mai-stop ‘yong mga impeachment initiatives na maaari pa ulit isampa laban sa Vice President,” paliwanag niya.
Dumipensa rin si Magno kaugnay sa mga sinasabi ng publiko na isa raw politically motivated ang hakbang nilang pagsasampa ng kaso laban kay VP Sara.
“Malinaw naman po ito at makikita natin ‘yong dami ng ebidensya na inilalatag laban kay VP Sara. Ang pinakamaganda po rito, pagkakataon na ito ni VP Sara na sagutin nang diretso ‘yong mga katanungan na inilalatag sa kaniya,” pagdidiin niya.
“Dahil kahit kailan po ay hindi pa talaga sumasagot nang maayos ang Bise Presidente tungkol sa mga isyu na nailatag sa kaniya,” paglilinaw pa niya.
Pagpapatuloy pa ni Magno, may posibilidad daw na magtuloy-tuloy ang gulong ng imbestigasyon ng Office of the Ombudsman kung makikita nilang malakas ang kasong inihain nila laban kay VP Sara.
“Ngayon po, bilang kasama sa mandato ng Ombudsman ang mangalap pa ng mga karagdagang impormasyon kung paano mapapalakas ang ebidensya kung makita ng Ombudsman na malakas ‘yong kaso na inihain namin laban sa Vice President, ay magiging tuloy-tuloy po ito,” saad niya.
Ngunit giit niya, “Kung wala naman po, e ‘di madi-dismiss ang kaso. Bahagi po ito ng proseso sa paghahanap ng hustisya at ang paghahanap ng hustisya ay wala namang tamang panahon. ‘Yan po ay karapatan ng kahit na sinong mamamayan.”
Hinikayat din ni Magno ang taumbayan na magtungo lamang sa tanggapan ng Ombudsman kung may makikita silang ebidensya laban sa mga politiko at hindi lamang sa Bise Presidente.
“Kaya kung may nakikita tayong matibay na ebidensya sa kahit na sinong politiko… magtungo lamang tayo sa Ombudsman at mag-file tayo nang mag-file ng kaso para para maubos na ang mga korap sa Pilipinas,” ‘ika niya.
Depende na lamang daw sa Ombudsman kung manghihingi pa ito ng mga karagdagang impormasyon mula sa mga inihain nilang kaso laban kay VP Sara.
Matatandaang sinampahan ng plunder at iba pang kasong kriminal si VP Sara sa Office of the Ombudsman (OMB) kasama ang 14 pang opisyal noong Disyembre 12, 2025.
MAKI-BALITA: VP Sara kinasuhan ng plunder, atbp. sa Ombudsman
Ito ay dahil sa umano’y maling paggamit ng ₱612.5 milyong confidential funds ng kaniyang opisina at sa panahon ng paninilbihan ng Bise Presidente bilang kalihim sa Department of Education (DepEd).
Bukod sa plunder, lumabag din umano si VP Sara sa Articles 210 at 212 ng Revised Penal Code on bribery, sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act sa Article XI, Section 2 ng 1987 Constitution, at culpable din umano siya sa pagyurak sa Konstitusyon.
MAKI-BALITA: 'Wag magpadala sa paninira!' VP Sara, hinikayat maging mapanuri mga Pilipino
MAKI-BALITA: Kaso vs VP Sara, 'di fishing expedition—EX-DOF Usec.
Mc Vincent Mirabuna/Balita