January 06, 2026

Home BALITA Metro

Grupong ‘LABAN TNVS,’ maghahain ng petisyon kontra multa sa cancelled bookings

Grupong ‘LABAN TNVS,’ maghahain ng petisyon kontra multa sa cancelled bookings
Photo courtesy: LABAN TNVS (FB), MB

Maghahain ng petisyon ang grupong “LABAN TNVS” bilang pagtutol sa inilabas na memorandum circular ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na magpapataw ng multa sa Transport Network Vehicle Service (TNVS) drivers na magkakansela ng booking trips. 

Sa panayam kya LABAN TNVS President, Leonardo “Jun” De Leon sa GMA Integrated News nitong Lunes, Disyembre 15, ibinahagi niyang tutol ang kanilang grupo sa nasabing memorandum circular ng LTFRB dahil sa Transportation Network Company (TNC) pa lamang ay mabigat na raw ang multa sa kanselasyon ng biyahe ng TNVS drivers. 

“Tutol po tayo sa memorandum circular na nilabas ng LTFRB dahil sa transport network companies po mabigat na ang multa or parusa ng TNC sa ating TNVS drivers kapag kami ay nagka-cancel,” saad ni De Leon. 

Kaya raw hangga’t maaari, iniiwasan ng maraming TNVS drivers ang magkansela ng booking nang walang sapat na dahilan. 

Metro

Updated! Road closures at re-routing ng mga sasakyan simula Enero 8, para sa Traslacion 2026

“Sa totoo lang po hindi naman talaga nagka-cancel ang karamihan ng  ating kasamahan na TNVS drivers kapag walang valid reason dahil mauuwi po sa pagkapos o pagka-ban sa transport network company kapag habitual po ang ginagawa nilang pag-cancel nang walang sapat na dahilan,” aniya pa. 

Hinggil sa mga kadalasang dahilan sa likod ng pagka-cancel, binanggit ni De Leon na pinipili na lamang ng maraming driver mag-cancel kapag aabot sa 15-minuto hanggang isang oras ang pick up sa pasahero para hindi na rin daw paghintayin ang mga ito nang matagal at maiwasan ang pagkalugi sa pasada. 

“Mayroon pong transport network companies na medyo malayo, mga 2 km to 3 km radius ang kanilang sistema para makatanggap ang drivers ng orders o pasahero. Kapag masyadong malayo ngayon, halos 15 [minutes] to one hour ang pick-up, ginagawa na lang po ng ating mga driver, kaysa mag-antay ng napakatagal ang ating mga mananakay, minamabuti po nila na i-cancel na lang dahil mauuwi rin po sa pagkalugi ang ating TNVS drivers,” paliwanag ni De Leon. 

“Napakataas po ng gasolina ngayon saka ‘yong traffic ay napakabigat. Kaya minamabuti po na i-cancel na lang ng TNVS Drivers ito,” dagdag pa niya. 

Kaya, ipinanawagan ni De Leon sa mga pasahero ang pag-intindi sa likod ng mga pagkakanselang ito. 

“Nakikiusap po kami sa atin pong mga mananakay na sana maintindihan din po nila kung bakit po ito [booking] naka-cancel. Dahil baka sila rin po ay maabala, lalo po silang magagalit kapag matagal ang pag-pick-up sa kanila,” panawagan ni De Leon. 

“Pero kapag ito po ay ikinansel at mag-book po sila sa ibang transport network company, baka po mas makakuha sila ng malapit sa kanila at mas mabilis silang maihatid sa kanilang pupuntahan,” dagdag pa niya. 

Matatandaang ibinaba ni Department of Transportation (DOTr) Acting Sec. Giovanni Lopez sa LTFRB ang direktibang pagpapataw ng multa sa TNVS drivers na magkakansela ng booking trip ng mga pasahero noong Sabado, Disyembre 6.

MAKI-BALITA:  Mga isnaberong driver na magkakansela ng booking, planong i-penalize ng DOTr

Gayunpaman, nilinaw naman ni LTFRB Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II na bibigyan pa rin nila ng pagkakataon magpaliwanag ang drivers bago sila patawan ng multa. 

MAKI-BALITA: TNVS drivers, bibigyan pa rin ng pagkakataon magpaliwanag bago patawan ng penalty–LTFRB Chairman Mendoza

Sean Antonio/BALITA 

Inirerekomendang balita