Nagpahayag ng pasasalamat si Vice President Sara Duterte para sa mga tagasuporta na patuloy pa rin ang paniniwala sa kaniya.
Sa isang video na ibinahagi ng Facebook page na kilalang tagasuporta ng pamilya Duterte sa The Hague, Netherlands na Alvin and Tourism nitong Sabado, Disyembre 13, 2025, iginiit ni VP Sara na masyado raw siyang blessed dahil sa mga taga-suporta.
“I thank you for your continued support. I am truly blessed as a politician, kasi kahit anong paninira ng mga kalaban sa akin, nandiyan pa rin yung taumbayan,” ani VP Sara.
Pinuri din niya ang mga tagasuporta na tila alam daw kung paano kikilatisin ang mga tirada na pawang paninira lamang daw at kung ano ang katotohanan.
“And then you know how to discern ano yung paninira at ano yung katotohanan. And for that, I am truly blessed,” anang Panagalawang Pangulo.
Maki-Balita: 'Wag magpadala sa paninira!' VP Sara, hinikayat maging mapanuri mga Pilipino
Matatandaang noong Biyernes, Disyembre 12, nang muling kasuhan ng plunder si VP Sara kaugnay naman pa rin ng umano’y maanomalyang paggamit niya ng pondo ng Department of Education (DepEd).
Bukod sa plunder, lumabag din umano si VP Sara sa Articles 210 at 212 ng Revised Penal Code on bribery, sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act sa Article XI, Section 2 ng 1987 Constitution, at culpable din umano siya sa pagyurak sa Konstitusyon.
Kabilang sa mga naghain ng kaso ay sina Ramon Magsaysay Awardee Fr. Flaviano Villanueva, running priest Fr. Roberto Reyes, dating presidential adviser on the Peace Process Teresita Quintos-Deles, UP Professor Emerita Dr. Sylvia Estrada Claudio, economist at dating Department of Finance Usec. Dr. Maria Cielo Magno, writer at anti-corruption advocate Christopher Cabahug, gayundin ang mga lider-kabataan na sina Matthew Christian Silverio at John Lloyd Crisostomo.
KAUGNAY NA BALITA: VP Sara kinasuhan ng plunder, atbp. sa Ombudsman