Nananawagan si dating Philippine National Railway (PNR) Chairman Michael Ted Macapagal sa administrasyon, Duterte group, at lider ng mga progresibong grupong liberal na isantabi raw muna ang politika para malabanan ang korapsyon.
Ayon sa naging pahayag ni Macapagal noong Biyernes, Disyembre 12, sinabi niyang dapat na manguna sa unity pledge ng mga political leader ang Catholic Bishops' Conference of the Philippines (CBCP).
“Ang proposal ko po kasi, kung maaari, CBCP should lead the unity pledge kasi we have a divided country,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “Tatlong grupo po ‘yan. The administration, the Duterte group, and then the liberal progressive groups. Kung maaari po lahat sila mag-sign ng unity pledge nang sa gayon [ay] concentrate lang tayo sa anti-corruption fight, alisin muna ‘yong politika.”
Ani Macapagal, politika raw ang pangunahing problemang kinakaharap ngayon ng bansa kaya dapat muna itong isantabi para masugpo ang korapsyon.
“Maalis po ‘yong mga agam-agam ng mga kababayan natin. Ang problema nauuna ‘yong politika, e. Panahon pa lang po noon ng Kastila, hindi na tayo magkasundo-sundo. tayo-tayo ng mga Pilipino nagpapatayan,” saad niya.
“Ang common enemy here is corruption so labanan lang ang corruption [at] alisin muna ang politika,” diin pa niya.
Pagpapatuloy ni Macapagal, handa naman daw ang CBCP sa unity pledge kung pipirma rito sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., Vice President Sara Duterte, at mga lider ng liberal progressive groups, kung saan makikita rin ito ng taumbayan.
“The CBCP naman is willing to lead the unity pledge. So kung maaari po, pipirma ang ating mahal na Pangulo, pipirma ang ating mahal na Bise Presidente, at pipirma rin ang lider ng progressives and then it can be witness by activist, students, the retired military, the religious organizations,” panawagan niya.
Ayon pa kay Macapagal, “Kung magkakasundo-sundo po tayo at concentrate lamang sa fight against corruption, mawawala po ang politika.”
Hindi raw dapat na maglaban-laban ngayon dahil matagal pa ang halalan sa 2028.
“Saka na lamang maglaban-laban matagal pa naman ang eleksyon sa 2028. Itigil muna po ‘yong mga panawagan for the President or the Vice President to resign. Dapat po labana muna ang korapsyon,” pagtatapos pa niya.
Samantala, hindi pa naman naglalabas ng pahayag ang Palasyo, tanggapan ni VP Sara, at mga lider ng liberal progressive groups kaugnay sa panawagang ito ni Macapagal.
MAKI-BALITA: Middle forces, Marcos bloc kailangang magkaisa para 'di manalo Duterte bloc sa 2028—Antonio Trillanes
Mc Vincent Mirabuna/Balita