December 12, 2025

Home BALITA National

Palasyo, iminungkahing hintayin sagot ni VP Sara kaugnay sa alegasyon ng lumitaw na 'bag man'

Palasyo, iminungkahing hintayin sagot ni VP Sara kaugnay sa alegasyon ng lumitaw na 'bag man'
Photo courtesy: PCO (FB), MB FILE PHOTO

Nagbigay ng komento ang Palasyo kaugnay sa mga alegasyong binato ng nagpakilalang “bag man” kay Vice President Sara Duterte tungkol sa pagsuporta umano ng mga POGO operators at drug lord dito sa pangangampanya niya noong 2022 national election. 

Ayon sa isinagawang press briefing ni Palace Press Officer at Presidential Communication Office Usec. Claire Castro nitong Biyernes, Disyembre 12, sinabi niya nabasa at narinig na rin daw nila ang sinumpaang salaysay ng nagngangalang Ramil Madriaga. 

“Nabasa nga po ito at nadinig na po at nakita kung ano ‘yong naging statement nitong si Ramil Madriaga na diumano ay bag man ng bise presidente,” pagsisimula niya. 

Dagdag pa niya niya, “Nagsasabi pa ng mga POGO operators at drug lords na siyang nag finance sa pangangampanya ng bise presidente.” 

National

Middle forces, Marcos bloc kailangang magkaisa para 'di manalo Duterte bloc sa 2028—Antonio Trillanes

Ani Castro, mas maganda raw na dapat si VP Sara muna ang tanungin ng publiko kaugnay rito at hintayin ang magiging kasagutan nito. 

“Kung ano ang masasabi ng Palasyo dito, mas maganda po siguro na si bise presidente muna ang inyong tanungin at kung ito ay kaniyang mapapasinungalingan,” aniya. 

Matatandaang mabilis na lumutang ang pangalan ni Madriaga noong Huwebes, Disyembre 11, 2025, na naghain ng kaniyang sworn affidavit  kaugnay sa noong direktang pagtatrabaho niya kay VP Sara at sa mga umano’y mga katiwaliang kinasangkutan nito. 

MAKI-BALITA: 'Black propaganda?' Roque, dinepensahan si VP Sara sa nagpakilalang ‘aid’ nito

Ani Madriaga, naatasan raw siya noong buuhin ang grupong Inday Sara Duterte Is My President (ISIP) para sumuporta sa kandidatura nito noong 2022 election. 

Isiniwalat rin ni Madriaga sa kaniyang sinumpaang salaysay ang milyon-milyong halaga at duffle bag na umano’y kaniyang dinala sa iba’t ibang lugar sa panahon ng kaniyang pagsisilbi sa kay VP Sara.

Nagbigay rin ng komento si Castro kaugnay sa paghahain ng ilang mga civil society members at church leaders ng mga kasong plunder, graft, at malversation laban kay VP Sara nito ring Biyernes. 

“Kung ito naman po ay mayroon silang basehan para masampahan ng kaso ang bise presidente, depende na po ‘yan sa mga complainants,” aniya. 

“Kung ano po ang isinasaad sa kanilang complaint. Kung nakapag-attach sila ng kanilang mga ebidensya, mas maganda po na maimbestigahan ito nang mabuti,” pagtatapos pa niya. 

Samantala, wala pang inilalabas na pahayag si VP Sara kaugnay sa mga alegasyong binato sa kaniya ni Madriaga at tungkol na rin sa pagsasampa ng kaso ng ilang mga grupo laban sa kaniya. 

MAKI-BALITA: 'Tay, kami naman!' VP Sara nakiisa, pumirma sa petisyong pauwiin sa bansa si FPRRD

MAKI-BALITA: 'Not surprising!' VP Sara, binoldyak umano'y bagong impeachment case sa kaniya

Mc Vincent Mirabuna/Balita