December 14, 2025

Home BALITA

Kalabaw sa Aklan, natagpuang nakabigti sa puno

Kalabaw sa Aklan, natagpuang nakabigti sa puno
Photo courtesy: Pexels

Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad sa Ibajay, Aklan ang magkakasunod na insidente ng pagbigti sa mga alagang hayop matapos mamatay ang isang kalabaw na natagpuang nakabigti sa puno sa Barangay Antipolo.

Ayon sa mga ulat, ikinuwento ng may-ari na si Adel Secciona na iniwan niya ang kaniyang alagang kalabaw malapit sa isang puno, ngunit pagbalik niya kinabukasan ay tumambad na sa kaniya ang nakabitay na katawan nito.

“Pagkakita ko umiyak ako, ‘di ko mapigilan. Tapos nilapitan ko at hinimas-himas na lang kasi naawa ako, kasi patay na talaga. Yung ulo nakatali, parang nakatangla. Yung leeg nilagyan ng tali, parang binigti,” ayon kay Secciona sa panayam sa kaniya ng media.

Napag-alaman naman na may kaparehong insidente ring naganap noong araw ding iyon sa ibang lugar. Ilang linggo bago nito, tatlo pang kaso ng pagbigti sa mga alagang hayop ang naitala sa mga Barangay Ondoy, Tagbaya, at Aquino.

Internasyonal

Intersection sa NYC, ipinangalan kay Dr. Jose Rizal bilang pagkilala sa Filipino community

Ayon sa Ibajay Municipal Police Station, posibleng iisang grupo ang nasa likod ng serye ng insidente.

“Kung sino gumawa nito, the same rin sigurong grupo, kaya ang ina-advice namin sa mga residente na kung maaari lang, kung sino pa ang may mga alagang kalabaw o baka, dalhin na lang muna malapit sa bahay,” pahayag ni Police Lt. Rezie Bulanon, deputy chief of police ng Ibajay Municipal Police Station.

Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang salarin at maiwasan pang madagdagan ang mga ganitong kaso sa lalawigan.