December 14, 2025

Home BALITA

7 pulis, sinibak ng NAPOLCOM dahil sa pagkamatay ng binatilyong nagkaroon ng leptospirosis

7 pulis, sinibak ng NAPOLCOM dahil sa pagkamatay ng binatilyong nagkaroon ng leptospirosis
Photo courtesy: NAPOLCOM/FB

Inanunsyo ng National Police Commission (NAPOLCOM) nitong Miyerkules, Disyembre 10, 2025, na sisibakin sa serbisyo ang pitong pulis sa Caloocan City kaugnay sa pagkamatay ng isang sakristan na nagkasakit dahil sa leptospirosis.

Ayon kay NAPOLCOM Vice Chairperson at Executive Officer Ralph Calinisan, nagpasya ang komisyon na tanggalin sa serbisyo ang lahat ng sangkot na pulis sa insidente.

Noong Setyembre, nagsampa ng mga kasong administratibo ang NAPOLCOM laban sa pitong pulis dahil sa grave misconduct, grave dishonesty, incompetence, oppression, at conduct unbecoming of a police officer.

Base sa ulat, lumusong sa baha sa loob ng tatlong araw ang biktima para hanapin ang kaniyang ama na hindi nakauwi sa kanilang tahanan sa Malabon noong Hulyo 22.

Metro

Unang araw ng ‘12 Days of Christmas: Libreng Sakay,’ simula na!

 Humingi ng tulong ang pamilya sa Caloocan police noong Hulyo 24, ngunit itinanggi umano ng mga pulis na may tala sila ng pag-aresto sa ama ng biktima. Lumabas kalaunan na inaresto ito noong Hulyo 25 dahil sa umano’y paglalaro ng “kaya y krus.”

Natagpuan naman ng biktima ang kaniyang ama sa detention cell noong Hulyo 25. Makalipas ang dalawang araw, doon na raw nagkasakit ang biktima at nakaranas ng lagnat at pananakit ng katawan. Kalaunan ay pumanaw siya dahil sa cardiac arrest na dulot ng leptospirosis.

Habang nakalaya naman ang ama ng biktima mula sa pagkakakulong noong Agosto 2.

Ayon sa NAPOLCOM, nakabuo sila ng matibay na ebidensya na nagpapakita ng mabibigat na paglabag ng mga pulis, kabilang ang umano’y ilegal na detensyon, pekeng dokumentasyon, at gawa-gawang kaso laban sa ama ng biktima.

Binigyang-diin ng komisyon na malinaw na nagkaroon ng pang-aabuso sa kapangyarihan at paglabag sa karapatang pantao.

Pinagtitibay rin ng NAPOLCOM ang mandato nitong linisin ang hanay ng pulisya at tiyaking nananatili ang integridad, propesyunalismo, at pagrespeto sa batas sa Philippine National Police (PNP).