Inaprubahan na ng Civil Service Commission (CSC) ang Wellness Leave (WL) nitong Martes, Disyembre 9, para sa mga karapat-dapat na opisyal at kawani ng pamahalaan, alinsunod sa Republic Act (RA) No. 11036 o Mental Health Act.
Bilang layon ng Komisyon na magkaroon ng maayos na work environment para sa lahat ng empleyado ng pamahalaan, sa ilalim ng CSC Resolution No. 2501292, binigyang diin nito ang mga probisyon ng Joint Administrative Order No. 2023-000 ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Health (DOH), na kinikilala ang mental health bilang isa sa mga prayoridad na interbensyon sa trabaho.
Ayon pa sa nasabing pahayag, ang pag-apruba ng resolusyon ay tugon sa naging pag-aaral ng 2025 Global Workplace Report na ipinakitang pumapangalawa ang mga manggagawang Pinoy sa may pinakamataas na stress levels sa buong Southeast Asia, dala ng unhealthy lifestyle at mabibigat ng trabaho.
Sa pamamagitan ng WL, mabibigyan ng karampatang pahinga ang mga manggagawa para mas maayos na matugunan ang pangangailangan ng mga mamamayang Pinoy.
“The Wellness Leave is a proactive response to the realities faced by our workforce today. By giving employees the space to rest, recover, and care for themselves, we reinforce a public service environment that is compassionate, resilient, and more responsive to the needs of the Filipino people,” saad ni CSC Chairperson Marilyn Barua-Yap.
Ang mga sumusunod na ay ang guidelines na inilatag ng CSC para sa implementasyon ng WL sa mga pampublikong opisina:
Availment Period
- Maaaring makonsumo ang WL sa maximum ng tatlong araw o magkakahiwalay na mga araw.
Mahalagang tandaan na ang WL ay non-cumulative at non-commutable o hindi naiipon at hindi napapalitan ng pera, at mawawala kapag hindi nagamit sa loob ng isang taon.
Allowable Purposes
- Maaari itong ma-avail para sa mental health care, physical wellness activites, o break mula sa trabaho.
- Ang WL ay iba pa sa mga kasalukuyang leave benefits sa trabaho tulad ng Vacation at Sick Leave, dahil nakalaan ito para sa wellness at recovery.
Application and Approval
- Ang application para sa WL ay dapat mayroong rekomendasyon ng immediate supervisor at dapat maisumite sa head of office para sa pag-apruba.
- Ang filing ng WL ay kaparehas ng filing ng iba pang leave benefits sa ahensiya.
- Ang application para sa WL ay dapat mai-file limang araw bago ang mismong araw ng availment.
- Para sa emergency cases, ang filing ay dapat agad magawa pagbalik sa trabaho.
Confidentiality
- Dapat masunod ang Data Privacy Act of 2012 sa pagtatabi ng mga impormasyon na mayroong kaugnayan sa mental health condition ng aplikante.
Base pa sa pahayag ng CSC, maisasabisa ang polisiyang ito 15 araw matapos itong mailathala sa publiko, na susundan pa ng abiso para sa opisyal na petsa ng publikasyon at bisa.
Sean Antonio/BALITA