December 13, 2025

Home FEATURES Trending

#BalitaExclusives: Kilalanin si ‘Boy Buhat,’ ang kargador na nagpakitang-gilas bilang news reporter

#BalitaExclusives: Kilalanin si ‘Boy Buhat,’ ang kargador na nagpakitang-gilas bilang news reporter
Photo courtesy: ABS CBN News (FB screenshot), Christian Tee (FB)

Naging ‘overnight media sensation’ ang isang 19-anyos na kargardor mula sa Divisoria matapos ang kaniyang news reporting sa ABS-CBN News noong gabi ng Martes, Disyembre 2. 

Sa Facebook post ng news reporter na si Jessie Tenorio Cruzat, ibinahagi niya na nilapitan siya ng batang kargador na nakilalang si Christian Tee o “Boy Buhat.” 

Nakiusap raw ito kung puwede raw ba siyang makuhanan ng video gamit ang sarili niyang cellphone habang hawak ang mikropono pangbalita. 

“Bat di ka na lang kaya mag-report!” aniya kay Christian. 

Trending

KILALANIN: Ang pumanaw na PBA Legend na si Jimmy Mariano

Bagama’t natawa lamang noong una, hindi naman daw ito tumanggi, bagkus ay mahusay na nagampanan ang pagbabalita ng dagsa ng mga mamimili sa Divisoria sa darating ng Pasko. 

“Hello mga Kapamilya. Ako po si Christian at ito po ang lagay ngayon dito sa may Divisoria. Yan guys, sobrang daming tao. Ang aking trabaho nga pala ay mag-hustle, magbuhat-buhat, diskarte sa araw-araw. As of now, ang dami nang mabibili ngayon sa Divisoria, mga decors, mga Christmas tree, may mga araw na matumal, may mga araw na mabenta, pero kailangan natin magpatuloy sa hirap ng buhay,” saad ni Christian sa kaniyang spiel. 

Sa kasalukuyan, umabot na sa 2.5K engagement at 55K views sa social media ang naging coverage ni Christian, kung saan, karamihan ng komento ay paghanga mula sa netizens na nakapanood nito. 

Maki-Balita: 'Natawa pero 'di tumanggi!' 19-anyos kargador sa palengke, nagpakitang-gilas bilang news reporter

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Christian, ibinahagi niyang matagal na niyang pinapangarap maging TV reporter ngunit hanggang Grade 8 pa lamang ang natatapos niya sa pag-aaral dahil kinakailangan na raw niyang pagtuunan ng pansin ang sariling pamilya. 

“Actually, hindi na po ako nag-aaral kasi mayroon na akong pamilya. Pinag-iipunan ko ngayon ‘yong pangbinyag ng baby ko, na isasabay sa pang-birthday niya. So, hindi ko na talaga naiisip masyado ‘yong pag-aaral. Two years na po akong hindi nag-aaral. Ang natapos ko po ay Grade 8 lang talaga,” Ani Christian. 

Ibinahagi rin ni Christian na bago pa magkaroon ng sariling pamilya, nagbubuhat-buhat na talaga siya na bagama’t mahirap, nakikita pa rin daw niya na marangal itong trabaho at kumikita siya rito sa tama at patas na paraan. 

“Dati pa naman po, 6 years na akong nagdi-diskarte ng ganito, kasi ito lang po ‘yong nakikita kong diskarte na tama at marangal. Okay lang naman ‘yong ganito, wala tayong tinatapakang tao, lumalaban tayo ng patas, at tama ‘yong ginagawa natin. 

Hinggil naman sa kaniyang viral moment, malaki raw ang pasasalamat ni Christian kay Jessie dahil sa pamamagitan nito, naabot niya ang pangarap maging mamamahayag.

“Sobrang sarap sa feeling ‘yong akala ko dati habang buhay na lang ako dito, magbubuhat-buhat, habang buhay na lang ako magsasakripisyo sa ganitong buhay, nakikita ko ‘yong opportunity na ‘yong mga pangarap ko pala, di ko akalain na matutupad, unti-unti ko na siya naaabot ‘yong pangarap ko mag-report,” masayang saad ni Christian. 

Kaya para raw ma-build ang kakayahan niyang humarap at magsalita sa camera, nagbukas siya ng kaniyang vlog, kung saan, makikita ang araw-araw niyang kayod. 

Sa pagtatapos ng panayam, nagbahagi siya ng mensahe para sa kapwa kabataan niyang nangangarap rin sa buhay, partikular sa mga gusto rin pumasok sa mundo ng media tulad niya. 

“Kung gusto talaga ninyo maging reporter, talagang magsumikap lang sila at patuloy lang sa ginagawa dahil tayo rin ang mag-aani ng ating pangarap, at kung para sa atin, ibibigay rin ni Lord,” saad ni Christian. 

Sean Antonio/BALITA