Naaresto ng Manila Police District (MPD) ang tatlong itinuturing na top notch most wanted na mga kriminal sa National Capital Region (NCR).
Ayon sa mga ibinahagi larawan ni Manila City Mayor Isko Domagoso sa kaniyang Facebook post nitong Martes, Disyembre 2, makikitang ipinresenta sa Special Mayor’s Reaction Team (S.Ma.R.T) ang tatlong nahuli ng MPD.
“Tatlong tolongges ang ipinresenta ng Special Mayor’s Reaction Team (S.Ma.R.T.) nitong Yorme’s Hour—mga kriminal na akala’y maililigtas sila ng pagtakbo sa malalayong lugar. Pero hindi sila nakalusot,” mababasa sa simula ng caption ni Moreno.
Ani Moreno, kinilala ang mga naaresto ng MPD na sina Nexus Hegina Villaruel, Efren Parane Fernandez, at Fernando Sorio Aquino na pasok sa top 10 na listahan most wanted mula sa awtoridad.
“Nahuli si Nexus Hegina Villaruel, Top 5 Most Wanted ng NCRPO at Top 1 Most Wanted ng MPD, sa kasong rape laban sa dalawang menor de edad. Tinugis at inaresto siya noong November 23, 2025 sa Camarines Sur,” aniya.
“Naaresto rin si Efren Parane Fernandez, Top 9 Most Wanted (Regional Level), sa Mexico, Pampanga dahil sa Acts of Lasciviousness, katuwang ang Barangay Pandacaqui,” saad niya.
Dagdag pa niya, “At si Fernando Sorio Aquino, 38, na nang-hostage sa Masangkay, ay binitbit matapos maharap sa sunod-sunod na kaso—mula Alarm and Scandal hanggang Illegal Possession of Deadly Weapon at Dangerous Drugs (RA 9165).”
Bukod pa rito, nagawa ring magpaalala ni Moreno para sa mga nagtatangkang magtago sa batas na mayroon daw gobyerno ang Maynila at hindi sila titigil para mapagbayad ang lahat ng mga kriminal sa kanilang ginawa.
“Sa lahat ng nagtatangkang magtago: tandaan ninyo—may gobyerno na sa Maynila. Hindi kami natutulog, at sisiguraduhin naming haharap kayo sa batas at magbabayad sa inyong ginawa,” pagtatapos niya.
MAKI-BALITA: ''Wag babuyin ang lungsod!' Mayor Isko, sinita mga nag-vandal sa Nov. 30 rally
MAKI-BALITA: ‘That would cost ₱14M:’ Yorme Isko, nagpaliwanag bakit wala pang parol sa Maynila
Mc Vincent Mirabuna/Balita