December 13, 2025

Home FEATURES Human-Interest

ALAMIN: Ano ang ibig sabihin ng ‘Oxford Word of the Year’ na 'Rage bait?'

ALAMIN: Ano ang ibig sabihin ng ‘Oxford Word of the Year’ na 'Rage bait?'
Photo courtesy: Oxford University Press (website), Unsplash

“Nakakagalit! Totoo ba ‘to o rage bait lang?” 

Opisyal nang inanunsyo ng Oxford University Press (OUP) nitong Lunes, Disyembre 1 na “rage bait” ang “Oxford Word of the Year” para sa 2025. 

Ayon sa OUP, dahil sa pagtriple ng mga gumagamit ng salitang “rage bait” sa nagdaang 12 buwan, higit 30,000 katao ang bumoto rito para maging word of the year matapos lamang ang tatlong araw ng isinagawa nilang botohan. 

Naungusan nito ang dalawa pang word contenders na umusbong din nito lang 2025–ito ang aura farming na ang ibig sabihin ay paggawa ng isang charismatic na pampublikong imahe na nagpapakita ng kumpiyansa sa sarili; at biohack na tumutukoy sa pagpapabuti ng kalusugan at well-being. 

Human-Interest

#BalitaExclusives: Anak na nilibre mga magulang niya sa abroad, hinangaan ng netizens

Dahil dito, ano nga ba ang “rage bait?” 

Ayon sa OUP, ang rage bait ay isang online content na sinadyang gawin para mag-udyok o trigger ng galit sa netizens. 

Kadalasan, ginagawa ito para pataasin ang online traffic at paramihin ang engagement ng isang web page o social media content. 

Bakit ito kadalasang ginagawa sa social media? 

Ayon sa pag-aaral ng Therapy Group DC, isang grupo ng psychologists, counselors at therapists mula sa Washington DC, epektibo ang rage baiting sa social media dahil una, wired ang utak ng tao na mas mag-focus sa mga negatibong detalye kaysa positibo at neutral. 

Isa pa ay nagkakaroon ng “tribal signaling” o paglabas ng mga kapareho pang rage bait content dahil sa algorithm ng social media. 

Ano ang epekto ng rage bait?

Ayon pa sa Therapy Group DC, ang madalas na exposure sa rage bait contents ay maaaring magdulot ng pagkasira ng sleeping patterns dahil sa pagtaas ng stress levels, trust issues dahil hindi na mapagkaiba ng isang indibidwal ang totoong impormasyon o detalye sa hindi, at physical harm sa labas ng social media. 

Kaya inaabiso rito na bigyang oras ang pag-scroll at paggamit ng social media para malimita ang mga makikitang impormasyon. 

Mainam rin daw na maging mapili at wais sa following at followers, at bigyan ng 20-minute breather ang sarili bago mag-react sa nakitang post kung hindi lubos na maiiwasan ang rage bait contents. 

Sean Antonio/BALITA