December 12, 2025

Home FEATURES Human-Interest

#BalitaExclusives: 86-anyos na pari, patuloy ang pakikibaka para sa hustisya at pananagutan

#BalitaExclusives: 86-anyos na pari, patuloy ang pakikibaka para sa hustisya at pananagutan
Photo courtesy: Sean Antonio/BALITA

Sa libo-libong mga raliyista, isa si Father Rudy Abao, 86, ng grupong Pagkakaisa Tungo sa Tunay na Repormang Agraryo (PATRIA) sa mga bumoses ng kanilang pakikibaka. 

Bilang isa sa mga miyembro ng grupong PATRIA, na samahan ng mga magsasaka, manggagawa at mga taga-simbahan, nakiisa siya sa “Baha sa Luneta 2.0” nitong Linggo, Nobyembre 30, sa layong mawakasan ang korpasyon sa pamahalaan.

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Abao, ibinahagi niya na naninindigan sila sa panawagan ng maraming grupo na panagutin ang mga may kaugnayan sa katiwalian. 

“Narito po kami ngayon dahil galit na galit tayo sa korapsyon na nangyayari sa gobyerno, at ayaw na nating maulit pa ulit ito. Pangalawa, dapat may managot sa mga krimen na nagawa,” saad ni Abao. 

Human-Interest

#BalitaExclusives: Anak na nilibre mga magulang niya sa abroad, hinangaan ng netizens

“Kapag walang nanagot, magpapatuloy ‘yong ginagawang masama ng ating gobyerno. Kaya’t kami ay naghahangad ng hustisya para sa ating bansa laban sa mga gumawa ng kasamaan,” dagdag pa niya. 

Bilang pari, nakikita rin daw ni Abao ang nakapanlulumong kondisyon ng maraming Pinoy habang ang ilang mga nakaupo sa puwesto ay nagpapakayaman. 

“Minsan, nagpupunta ako sa mga squatter dahil ako ay nire-request na magdasal para sa mga patay nila. Nakikita ko ang kalagayan nila, napakalungkot talaga,” ani Abao. 

“Nakakalungkot ang kalagayan ng mga kapwa natin Pilipino. Samantalang ang iba ay napakayaman. Hindi mo alam anong gagawin nila sa pera nila. ‘Yong kayamanan naman nila na alam natin ay ninakaw galing sa gobyerno,” aniya pa. 

Dahil ipinanganak na siya noong 1930s pa lamang, pinanghihinayangan din ni Abao na 75 taon matapos ang ikalawang digmaang pandaigdig, napag-iiwanan na ang Pilipinas dahil sa korapsyon. 

“Alam natin na ang ating bansa, matapos ang second world war, ay pangalawa sa Japan sa economic development. Ngayon, after 75 years, tayo ay pangalawa sa pinakahuli. Malayong-malayo na tayo sa Japan at Korea. Nakapunta na ako ng Korea maraming beses, maganda ang kalagayan nila. Pero dati, abante tayo sa Korea,” pagbabalik-tanaw niya. 

“Anong dahilan? Ayon, korapsyon. Kung hindi korap ang gobyerno, magkakaroon tayo ng kapital para magkaroon ng tinatawag na ‘heavy industries’ sa Pilipinas. Ngayon, wala tayong heavy industries kaya maraming walang trabaho,” saad niya. 

Binanggit din niya na dahil sa nakalulungkot na lagay ng bansa sa kasalukuyan, hinahanap na ng mga Pinoy ang pagbabago at hustisya para sa isa’t isa. 

“Naghahanap tayo ng buhay na marangal, magandang lipunan. Ang gusto ng Diyos ay magkaroon tayo ng kaginhawaan,” saad niya. 

Sa pagtatapos ng panayam, partikular na binanggit ni Abao na para maisakatuparan ang mga adhikaing ito, panahon na para pangunahan ng kabataan ang pakikibaka para sa pagbabago. 

Sean Antonio/BALITA