Kinomendahan at kinilala ng Cebu Provincial Government at Department of Labor and Employment (DOLE) ang kabayanihan ng isang wing van driver matapos nitong ibuwis ang buhay sa baha sa kasagsagan ng bagyong Tino.
Sa naging viral video sa social media, makikita na minaneobra ng driver na kinilalang si Francis Anthony Narvasa ang isang wing van para harangin ang rumaragasang baha at mailigtas ang mailigtas ang anim na kataong inanod nito Barangay Cotcot, Liloan, Cebu, noong Nobyembre 4.
Sa nasabi ring video, kasama ni Francis ang Liloan Police na pinangunahan ni PLTCOL Dindo Juanito B. Alaras.
Sa kabila ng kabayanihang ito, ayon sa ilan pang ulat, sinibak sa trabaho si Francis dahil company vehicle ang ginamit niyang pang-rescue sa baha.
Gayunpaman, bilang pagkilala ng DOLE Region 7, iimbestigahan nila ang nangyaring pagsibak kay Francis, sa grounds na hindi ito naging makatwiran.
Kasama rin sa magiging imbestigasyon ang mga nararapat na benepisyong matatanggap ni Francis mula sa dati niyang kompanya.
Nakatakda rin siyang bigyan ng parangal ng DOLE 7 sa darating ng Disyembre, kasabay ng anibersaryo ng ahensiya.
Isa pa sa mga nakapansin ng kabayanihan ni Francis ay si Cebu Gov. Pam Baricuatro.
Ayon sa pahayag Cebu Provincial Government, nang malaman ng gobernadora ang pagkakasibak ni Francis sa trabaho, agad niya itong binigyan ng posisyon sa Capitol bilang driver.
Sean Antonio/BALITA