May paalala sa mga kawani ng gobyerno ang Assistant Commissioner ng Civil Service Commission (CSC) na si Atty. Ariel Ronquillo, hinggil sa pagsasagawa nila ng mga Christmas at year-end parties.
Sa panayam ng DZMM Teleradyo kay Ronquillo nitong Biyernes, Nobyembre 28, sinabi niyang hindi dapat magarbo o magastos ang pagsasagawa ng mga okasyong ito.
“Unang-una, yearly naman nagpapaalala kami. Ito kasing Christmas party, part of the year-end activities ng lahat ng opisina ng pamahalaan. Dapat sa year-end activities, diyan ginagawa ‘yong pagre-review ng lahat ng ginawa natin, at saka iyong performance natin ng buong taon—at ‘yong pagpaplano kung ano ‘yong gagawin natin sa susunod na taon,” panimula ni Ronquillo.
“Pero dahil ‘yan nga po ay year-end, tradisyon na po na isinasabay na po riyan ‘yong pagsasaya because of the season—kaya tinatawag siyang Christmas party, pero dapat year-end activity ‘yan,” pagpapatuloy niya.
“Ngayon, amin pong laging paalala, e dapat hindi po magarbo o magastos ‘yong ating Christmas party—dapat tama lang po para magkasiyahan tayo pero hindi natin dapat ipakita na gumagamit tayo ng pera ng taumbayan sa isang event na ganito, na ang purpose lang ay mag-party o magpakasaya. So hindi po tama, lalo po sa okasyon ngayon, sa panahon ngayon, hindi po tama na maging magastos ‘yong party na gagawin natin,” saad pa niya.
Isiniwalat niya ring may mga prohibisyon na naaayon sa batas patungkol sa pagsasagawa ng mga ganitong uri ng kasiyahan o okasyon.
“Pangalawa, mayroon pong mga inherent prohibitions even if we are doing it as part of our activity. Unang-una, dahil ‘di ba ang Pasko ay season ng bigayan ng regalo? Mayroon pong prohibition under the Code of Conduct na kahit may okasyon, bawal ho tayong tumanggap ng regalo sa ating mga kliyente. ‘Yan po ay isang mahigpit na ipinagbabawal ng batas at medyo mabigat po ang kaparusahan diyan,” anang assistant commissioner.
“‘Pag ka ho galing sa kliyente, bawal po ‘yan—kahit sino man po ‘yong kliyente natin. Kahit gaano kalaki o kaliit ‘yong ibibigay na regalo, hindi po natin puwedeng tanggapin,” dagdag pa niya.
Ayon pa sa kaniya, bawal din daw mag-inuman session ang mga kawani ng gobyerno sa loob ng opisina, kahit ano pa man ang okasyon, sapagkat may prohibisyon din hinggil dito.
Ipinaalala din niya na sa gitna ng kasiyahan, hindi raw dapat ito maging dahilan upang maputol ang serbisyo ng mga kawani ng pamahalaan sa publiko.
“Nire-remind [din] po namin na kahit po mayroong kasiyahan na ganiyan, dapat hindi po napuputol ‘yong serbisyo sa publiko. Kasi laging dapat natin isasaisip na primarily, we are in the service because of the service to our clients. Kaya kung nagkakasiyahan kayo, ‘pag may dumating na kliyente diyan, dapat mapagsisilbihan pa rin sila. So dapat, tuloy-tuloy pa rin po,” saad ni Ronquillo.
Matatandaang kamakailan, inanunsyo rin ng Department of Transportation (DOTr) na ipagpapaliban muna nila ang “lavish year-end parties” ng kanilang kagawaran, dulot ng mga nagdaang kalamidad at mga usapin hinggil sa korapsyong lumalaganap sa bansa.
“In recent months, many fellow Filipinos from several regions of the country have been severely affected by natural calamities, including earthquakes, typhoons, floods, and volcanic eruptions. Moreover, with ongoing investigations and heightened public scrutiny concerning the use of government funds, it is imperative that the Department remain sensitive to the broader context in which we serve,” saad ni DOTr Acting Sec. Lopez sa memorandum.
MAKI-BALITA: DOTr, attached agencies pass muna sa 'lavish year-end parties'-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA