December 13, 2025

Home FEATURES BALITAnaw

KILALANIN: Si Dr. Fe Del Mundo, ang ‘First Filipina Pediatrician’

KILALANIN: Si Dr. Fe Del Mundo, ang ‘First Filipina Pediatrician’
Photo courtesy: Ramon Magsaysay Award Foundation

Kinikilala bilang kauna-unahang Pinay pediatrician, humanitarian, at national scientist, si Dr. Fe Del Mundo ang isa sa mga nagpabago ng pangkalahatang healthcare system ng bansa. 

Ayon sa nailathalang artikulo na pinamagatang, “Dr. Fe Del Mundo: The Pioneer Who Transformed Pediatrics and Child Healthcare in the Philippines,” dahil sa galing at puso niya sa larangan ng siyensiya, naging simbolo ng dedikasyon at tunay na serbisyo si Del Mundo sa bagong henerasyon ng mga doktor na hinasa niya. 

Bukod pa rito, dahil siya ang naging kauna-unahang babaeng nag-uwi ng iba’t ibang parangal at pagkilala sa loob at labas ng bansa, naging inspirasyon din siya kababaihan. 

SINO NGA BA SI DR. FE? 

BALITAnaw

BALITAnaw: Si Andres Bonifacio bilang unang biktima ng 'election related violence'

Si Del Mundo ay ipinanganak sa Intramuros, Maynila noong Nobyembre 27, 1911, sa ina na si Paz Villanueva, at ama na si Bernardo del Mundo, na isang abogado na nanilbihan ng isang termino sa Kapulungang Pambansa bilang representante ng Tayabas. 

Siya ang pang-anim sa walong magkakapatid, kung saan, tatlo rito ay namatay noong mga sanggol pa lamang. 

Sa murang edad, nakaranas ng maraming kalungkutan si Del Mundo. Mula sa pagkamatay ng nakatatandang kapatid dahil sa appendicitis sa edad na 11, pagkamatay ng ina matapos lamang ang kaniyang high school, at ang pagpanaw ng nakababatang kapatid na si Elisa na ninais ding mag-doktor para sa mahihirap. 

Ang pagpanaw ng kapatid na si Elisa ang nagtulak kay Del Mundo para pumasok sa mundo ng medisina. 

PAGPASOK NI DR. FE SA MEDISINA

Sa edad na 15, pumasok si Del Mundo sa University of the Philippines (UP), kung saan, natanggap niya ang kaniyang Associate in Arts degree noong 1928.

Taong 1933 naman, itinuloy niya ang kaniyang Doctor of Medicine, kung saan, nakapagtapos siya bilang valedictorian.

Sa pagtatapos din niya, natanggap niya ang "Most Outstanding Scholar in Medicine" mula sa Colegio Medico-Farmaceutico de Filipinas. 

Dahil sa mga parangal na ito, nabigyan ng pagkakataon si Del Mundo para sumailalim sa dalawang taong research fellowship sa Harvard Medical School sa pamamagitan ng scholarship grant mula kay dating pangulong Manuel Quezon. 

Sa programang ito, nakuha ni Del Mundo ang kaniyang master’s degree sa Bacteriology mula sa Boston University noong 1940. 

Mula rito, nagkaroon pa siya ng iba pang pag-aaral sa iba’t ibang institusyon tulad ng Mount Sinai Hospital, Columbia University, University of Chicago's Billings Hospital, Johns Hopkins Hospital, at Boston Children’s Hospital. 

PAGBABALIK NI DR. FE SA PILIPINAS 

Taong 1941, bumalik sa Pilipinas si Del Mundo, at mula rito’y nag-volunteer siya sa International Red Cross para mapangalagaan ang children-internees sa University of Santo Tomas (UST) internment camp para sa mga dayuhan. 

Nagtayo siya rito ng isang lugar o hospice para mapangalagaan ang mga may sakit na bata, kaya nakilala siya bilang “Angel of Santo Tomas.” 

Nang isara ng mga Hapon ang hospice na itinayo ni Del Mundo noong 1943, pinakiusapan siya ni dating Manila  City Mayor Jorge Vargas na pangunahan ang North General Hospital bilang direktor, na kalauna’y nakilala bilang Jose R. Reyes Memorial Medical Center.

Sa loob ng 20 taon, naging direktor ng Department of Pediatrics ng Far Eastern University (FEU) si Del Mundo.

Taong 1957, ibinenta niya ang kaniyang bahay at mga ari-arian para makapagbukas ng Children’s Memorial Hospital, na kalauna’y pinangalalan na “Fe del Mundo Medical Center.” 

Ang pediatric hospital niya na ito ay kauna-unahang pediatric hospital sa buong bansa, at ayon sa ilang nailathalang artikulo, nanirahan si Del Mundo sa ikalawang palapag nito, at nagtrabaho ng ilang oras para makatulong sa mas maraming bata. 

Taong 1962, nagsimula siyang magpadala ng rehydration teams sa iba’t ibang komunidad sa probinsya para makatulong sa paggamot sa sakit na diarreha. 

Sa pangunguna ni Del Mundo, naitayo ang Institute of Maternal and Child Health noong 1966, na tinaguriang “the first of its kind in Asia.” 

Magmula rito, nakapagpatayo pa ng maraming clinic at nakapag-train ng libo-libong personnel si Del Mundo para magsilbi sa mga probinsya at bigyang-tugon ang mga bakuna, nutrisyon, at disease prevention ng mga residente dito. 

IBA PANG LEGASIYA NI DR. FE

Ilan sa mga naging parangal ni Del Mundo ay ang mga sumusunod: 

- First Filipino diplomat na kinikilala ng American Board of Pediatrics noong 1947. 

- Elizabeth Blackwell Award for Outstanding Service to Mankind noong 1966.

- First female president ng Philippine Medical Association noong 1969. 

- Ramon Magsaysay Award for Public Service noong 1977. 

- Most Outstanding Physician Award noong 2022 na iginawad ng Philippine Medical Association.

- Gusi Peace Prize noong 2003.-Blessed Teresa of Calcutta Award mula sa Alfonso Yuchengco Foundation noong 2008. 

- Grand Cross (Bayani) of the Order of Lakandula noong 2010.

Pumanaw si Del Mundo sa edad na 99 noong Agosto 6, 2011.

Sa kasalukuyan, ang mga iniwan niyang mga legasiya ay nananatiling simbolo ng katatagan, determinasyon, at serbisyo, para sa mga patuloy na naninilbihan sa larangan ng medisina. 

Sean Antonio/BALITA