Inaasahang dadagsain ng 300,000 katao ang malawakang kilos-protesta kontra-katiwalian na “Trillion Peso March Movement” sa darating na Linggo, Nobyembre 30.
Sa panayam ng DZMM Teleradyo kay Philippine National Police (PNP) Spokesperson at PBGen. Randulf Tuaño nitong Huwebes, Nobyembre 27, ibinahagi niya na itataas na ang ‘full alert’ status ng PNP simula Biyernes, Nobyembre 28, bilang paghahanda sa “Trillion Peso March Movement.”
Binanggit din niya na isasagawa ang rally sa kahabaan ng White Plains Temple Drive, mula 6:00 AM hanggang 6:00 PM.
Sa kasalukuyan, ang grupo pa lang daw ng “Trillion Peso March Movement” ang nagbibigay ng kanilang permit para magsagawa ng pagtitipon, at inaasahan na marami pang grupo ang magsusumite ng kanilang request para magsagawa ng kanilang demonstrasyon.
Ayon pa kay Tuaño, 23 lugar sa Metro Manila ang babantayan ng PNP, kabilang dito ang EDSA Shrine, People Power Monument, Quirino Grandstand, at freedom parks.
Sa press briefing na isinagawa sa Camp Crame noong Miyerkules, Nobyembre 26, binanggit ni Tuaño na 15,097 kapulisan ang ipapadala sa “Trillion Peso March Movement.”
Sa kabuoang bilang na ito, 8,805 ay magmumula sa National Capital Region Police Office (NCRPO) personnel at 6,292 naman mula sa Special Action Force, at Police Regional Offices (PROs) ng Ilocos Region, Central Luzon, Calabarzon, at Cordillera Administrative Region (CAR).
Kasama rin daw dito ang 973 police officers na naka-istasyon sa People Power Monument, at 893 na ilalagay sa kahabaan ng EDSA Shrine.
Para matiyak ang kaligtasan, maglalagay din ang PNP ng mga personnel sa mga sumusunod na lugar at kalye: Malacañang, Mendiola, Ayala Bridge, J.P. Laurel Street cor. Nagtahan, Legarda Street cor. Figueras Street, San Sebastian Street cor. Recto Avenue, Arlegui Street cor. P. Casal Street, San Rafael Street, Padilla Street, at 5th Street.
Sa kaugnay na balita, binanggit ni Francis “Kiko” Dee, political analyst at scientist, at apo ni dating pangulong Cory Aquino at dating senador Ninoy Aquino Jr., sa kaniyang panayam sa ANC, inaasahan na mas magiging malaki ang “Trillion Peso March Movement” sa darating na Nobyembre 30 kaysa sa nauna nitong kilusan noong Setyembre 21.
“I think that the anger that people feel right now, there’s a real moment that we’re going through. I think it’s a challenge for those of us organizing to build on that moment, but I definitely think that we can bring that into the future, into 2028, into future elections. And make a real change by kicking out these corrupt politicians and introducing new faces into our politics,” mariing saad ni Dee.
Sean Antonio/BALITA