December 13, 2025

Home FEATURES Trending

Viral bus encounter: ‘Cheater’ buking dahil sa brightness ng cellphone, sinumbong sa jowa!

Viral bus encounter: ‘Cheater’ buking dahil sa brightness ng cellphone, sinumbong sa jowa!
Photo courtesy: Freepik

Mahilig ka bang gumamit ng cellphone kapag nasa loob ng bus? Paano ka makasisigurong hindi nababasa ng katabi mong pasahero ang mensaheng ipadadala mo sa kausap o ka-chat mo?

Patuloy na umaani ng atensyon sa social media ang isang viral Facebook post na ibinahagi ng isang hindi nagpakilalang uploader, isang kuwentong naganap sa loob ng ordinaryong bus ride ngunit nagbukas ng mas malalim na usapan tungkol sa katapatan sa relasyon at kung hanggang saan ang dapat pakialaman ng isang bystander.

Ayon sa uploader, nagsimula ang lahat nang may umupong lalaking pasahero sa tabi niya: matipuno, batak ang mga braso, at tila walang kamalay-malay na ang kanyang simpleng pag-check ng cellphone ay magiging laman ng libo-libong komento sa Facebook.

Nakasumbrero daw ang uploader at kunwari’y abala rin sa sariling gadget, ngunit aminado siyang ang “side eye” niya ang naghatid sa kaniya upang matuklasan ang isang umano'y "cheating incident."

Trending

KILALANIN: Ang pumanaw na PBA Legend na si Jimmy Mariano

Ikinuwento niya na binuksan ng lalaki ang Messenger at nakipag-chat sa isang contact na nakapangalan bilang “Boss Ko,” na inakala niyang karelasyon nito.

“Mahal otw na po ako kina tita po. Bus na ako otw Cavite,” mensahe ng lalaki, kalakip ang selfie niya sa loob ng bus. Ngunit dito nagsimulang magtaka ang uploader, papuntang Bulacan ang bus na sinasakyan nila, hindi Cavite.

Nang buksan pa raw ng lalaki ang profile ni “Boss Ko,” sinadya niyang tandaan ang pangalan; tila senyales na may kutob na siya sa susunod pang mangyayari.

At hindi nga siya nagkamali. Ilang sandali pa, muli umanong nagbukas ng isa pang Messenger ang lalaki at nagpadala ng mensahe sa ibang babae: “Bus na po aq. See u po, labs q,” kasabay ulit ng panibagong selfie mula sa parehong bus ride.

Dito raw niya naramdaman ang bigat ng sitwasyon, na parang responsibilidad niya umanong ipaalam sa dalawang babae ang napansin niyang umano'y panloloko. Kaya’t ang ginawa niya, minessage niya ang dalawa at ibinahagi ang nalaman, sabay babala na tila pareho silang naloloko ng iisang lalaki.

"Tengene n'yo mga cheater. Magchi-cheat na nga lang kayo, tinataasan nyo pa brightness ng phone nyo," anang uploader.

Photo courtesy: via Love Sick Hotline 143/FB

Sa panibagong update, napag-alamang nakipaghiwalay si "Boss Ko" sa kaniyang boyfriend na matagal na rin pala niyang pinaghihinalaang nagchi-cheat sa kaniya. Nag-sorry naman ang uploader sa babae dahil sa "panghihinasok" niya. Pero sa kabaligtaran, nagpasalamat pa raw ang nabanggit na girlfriend sa uploader.

Ang pangalawang babae naman na si "Labs Ko" ay nagalit pa raw sa uploader dahil sa pangingialam nito.

Galit na galit naman daw sa uploader ang lalaki at sinabing sana raw, matokhang siya.

Umani naman ito ng iba't ibang reaksiyon at komento mula sa netizens.

"Not all heroes wear capes. Sometimes naka cap, sunglasses and mask sila."

"cheater galit talaga mga yan kapag nahuhuli. pero never yan magagalit s katarantaduhan nilang gnagawa."

"To the 2nd girl, 100% mangyayari rin yan sayo. Balang araw hindi ka mapapakali at mababaliw ka kakaisip kung niloloko ka rin ba o may umaaligid ba o may nag pupursue na bang iba. Mapapa-taste your own medicine ka talaga."

"You did a good job mhie!"

"Good job.. you did the right thing."

"Hahahaha buti nga..."

Habang isinusulat ang artikulong ito, umabot na sa 10k laugh reactions, 905 comments at 1.7k shares ang nabanggit na viral post.

---

Disclaimer: Bagama’t ang kuwentong ito ay inaako ng may-akda na mula sa tunay na pangyayari, hindi maaaring kumpirmahin o itanggi ng Balita ang katotohanan sa mga detalye at impormasyong nakasaad dito.