Bumaba ang bilang ng mga nagpapakasal sa Pilipinas noong 2024, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Sa tala ng PSA na isinapubliko nitong Nobyembre 25, 2025, may kabuuang 371,825 na kasal ang nairehistro sa bansa noong 2024, na mas mababa ng 10.2 porsyento mula sa 414,213 rehistradong kasal noong 2023.
Sa karaniwan, nasa 1,016 na kasal ang ginagawa araw-araw sa buong bansa.
Ayon pa sa PSA, naitala nila ang mataas na bilang ng ikinasal sa CALABARZON noong 2024, na may 54,981.
Sinundan ng National Capital Region (48,448), at Central Luzon (42,2270).
Sa kabilang banda, ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang may pinakamababang bilang ng ikinakasal na may 2,629.
MAS MARAMING IKINAKASAL TUWING PEBRERO
Ayon din sa PSA, sa naturang bilang ng mga ikinakasal, mas marami raw nagpapakasal tuwing Pebrero.
Naitala ang buwan ng Pebrero noong 2024 na pinakamataas na bilang ng mga rehistradong kasal na may 46,130.
Sinundan ito ng Hunyo na may 45,085 kasal at Disyembre na may 42,211 kasal.
Habang ang Nobyembre naman ang pinakamababa na may 20,363 kasal.
KARAMIHAN SA NAGPAKASAL AY NASA EDAD 25 HANGGANG 29 TAONG GULANG
Karamihan sa mga mag-asawa ay nagpakasal sa pagitan ng edad na 25 hanggang 29 taon noong 2024.
Naitala ng PSA ang 81,121 kasal mula sa mga naturang edad.
Samantala, ang estimated age ng babaeng nagpapakasal ay nananatili pa rin sa 28-anyos habang 30-anyos naman sa lalaki.