Isang buwan na lang, Pasko na! Ramdam mo na ba ang malamig na simoy ng hangin?
Habang papalapit na ang Kapaskuhan, unti-unti na namang dumarami ang naglalagay ng mga dekorasyon sa kani-kanilang mga tahanan—matatayog na christmas trees, nagliliwanag na christmas lights, naglalakihang garlands, at siyempre naggagandahang mga parol.
Dahil dito, bidang-bida talaga ang Pasko sa Pilipinas. Pero siyempre, sa dami ng mga pulo at lungsod sa bansa, may isang nangingibabaw pagdating sa usapin ng Kapaskuhan—ang lungsod ng San Fernando, sa probinsya ng Pampanga, na siyang tinaguriang “Christmas Capital of the Philippines.”
Ayon sa BRIA, ang San Fernando City, Pampanga ay binigyang taguri bilang “Christmas Capital of the Philippines” dahil sa tradisyon nito sa paglikha ng “Parul Sampernandu.”
Ang Parul Sampernandu ay ang katawagan sa mga parol na nililikha ng mga Kapampangan tuwing papalapit na ang Pasko.
Ang tradisyon ng paggawa nito ay nagsimula noon pang 1908, at hanggang ngayon, ang liwanag na dala ng kulturang ito ay nagbibigay-tanglaw sa diwa ng Pasko.
Isa pa, halos lahat ng mga tao ay nakikilahok sa patimpalak at tradisyon ng paggawa nito, kung kaya’t masasabing isang malaking kaganapan ang paglikha ng parol sa San Fernando.
Dahil sa pagtutulungan at kontribusyon ng bawat isa, kinikilala ito hindi lamang sa lalawigan ng Pampanga, bagkus sa buong Pilipinas— at naipapakita rin ang pagkakaisa upang maisakatuparan ang selebrasyong ito.
Tuwing kalagitnaan naman ng Disyembre, idinaraos ng lalawigan ang Giant Lantern Festival o Ligligan Parul, bilang pagkilala sa magagandang parol na nagmula sa kanilang lugar.
Kilala ang kaganapang ito at talaga namang dinarayo pa ng mga tao mula sa iba’t ibang panig ng Pilipinas. Ang iba nga ay lumilipad pa mula sa ibang bansa upang matunghayan at masaksihan ang masayang selebrasyong ito.
Matatandaang sa bisa ng House Bill (HB) No. 6933, inaprubahan ng Kamara ang panukalang batas na naglalayong ideklara ang Pampanga bilang “Christmas Capital of the Philippines” noong Setyembre 18, 2023.
MAKI-BALITA: Pampanga idineklarang ‘Christmas Capital of the Philippines’-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA
ALAMIN: Bakit tinaguriang Christmas Capital ng bansa ang San Fernando City, Pampanga?
Photo courtesy: CSFP City Information Office/FB