Humingi ng dispensa si Manila City Mayor Isko Moreno Domagoso noong Lunes, Nobyembre 24, hinggil sa kakulangan ng parol sa lungsod sa kabila ng nalalapit na Kapaskuhan.
"Pasensiya na kayo, ha? Wala akong ilalagay na parol sa buong Maynila. Pagpasensiyahan n’yo na ako, eh kasi that would cost ₱14 million,” saad ng alkalde.
“Eh, ayaw ko namang makapamuhay nang marangya tapos magdadahilan ako sa inyo ng “nganga.” Pero hindi ibig sabihin n’un walang parol, walang Pasko. Basta ang importante sa Pasko, nand’yan ang pamilya natin,” dagdag pa niya.
Sa kaugnay na ulat, ibinahagi ni Domagoso na umabot sa higit ₱ 317.16 milyon ang binayaran na unpaid utility dues ng lungsod mula sa nakaraang administrasyon.
Ayon sa City Treasurer’s Office nga Maynila, kabilang sa mga nabayaran ay ang MERALCO, para sa mga buwan ng Setyembre 2024 hanggang Mayo 2025, sa halagang ₱217 milyon; telecommunication companies sa halagang ₱ 9 milyon; Maynilad para sa buwan ng Oktubre 2024 sa halagang ₱73 milyon; at Manila Water sa halagang ₱ 16 milyon.
Gayunpaman, opisyal na nakapamahagi ng halagang ₱317 milyon na year-end bonus at cash gift ang lungsod para sa mga regular na empleyado ng Manila City Hall, noong Nobyembre 17.
KAUGNAY NA BALITA: Mayor Isko, may aginaldong ₱317 milyon para sa mga empleyado ng Manila City Hall
Inanunsyo din ni Mayor Isko noong Nobyembre 24 ang pamimigay ng ₱171 milyong allowance para sa senior citizens sa bansa.Sa nasabing allowance, makatatanggap ng ₱6,000 ang bawat senior citizens sa Disyembre 11, 12, at 13, sa layong mabigyang tulong ang mga ito sa kanilang mga araw-araw at medikal na pangangailangan.
Sean Antonio/BALITA