Inilunsad ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., ang programa niyang Oplan Kontra Baha: Metro Cebu Waterways Clearing at Cleaning Operations upang linisin ang mga baradong waterway sa mga siyudad sa probinsya ng Cebu.
Ayon sa naging pahayag ng Pangulo sa pagkakasa nila ng nasabing operasyon sa Mahiga Creek sa may M. Logarta Bridge, sa mga siyudad ng Mandaue at Cebu nitong Biyernes, Nobyembre 21, sinabi niyang sinimulan nila doon ang dredging at paglilinis ng mga daanan ng tubig.
“Nandito ngayon tayo para simulan ‘yong dredging at saka paglinis ng ating mga creek, mga ilog, lahat ng ating waterway,” pagsisimula ng Pangulo.
Dagdag pa niya, “ito, kung maaalala ninyo, ay sinimulan namin sa Metro Manila. Doon naman ang nagiging problema ‘yong basura at ‘pag nagbabara, ang nangyayari, nagkakaroon talaga ng baha.”
Aniya, parehong paglilinis din daw ang gagawin nila sa nasabing mga siyudad sa Cebu upang sugpuin ang labis na pagbaha.
“Kaya’t ganoon din ang gagawin namin dito dahil ganiyan din ang problema. Kung titingnan ninyo sa mapa, ‘yong last time na nagbaha ang mga ilog dahil lahat ng labasan ng tubig ay barado,” saad ng Pangulo.
Tinanong din daw ng Pangulo ang ilang mga lokal na opisyal sa nasabing lugar kung kailan huling nalinis ang mga waterways at creek doon ngunit hindi na raw maalala ng mga tao.
“Tinatanong ko sa mga local official kung kailan ang last time na hinukay ito, nilinis ito, wala silang maalala kahit kailan,” pagkukuwento niya.
Pagbibida pa ng Pangulo, “kaya’t first time ito siguro in decade. I’m sure nangyari na ito [noon] but matagal na in decades na hindi nalinis ang ating mga waterway.”
Samantala, pinangunahan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Region 7 ang nasabing clearing operation sa naturang lugar at maging sa iba’t ibang mga siyudad pa sa probinsya ng Cebu kagaya ng Butuanon River (Mandaue City), Subangdaku River (Mandaue City), Kinalumsan River at Mambaling Flyover (Cebu City), Guadalupe River (Cebu City), Mananga River (Talisay City), Cotcot River (Munisipalidad ng Liloan), at Cansaga Bridge (Munisipalidad ng Consolacion).
Mc Vincent Mirabuna/Balita