Nakatakda nang magsara ang Chocolate Lover Incorporated sa P. Tuazon, Cubao, Quezon City matapos ang mahigit tatlong dekada.
Inanunsyo ito mismo ng may-ari na si Anna Carmona Lim sa isang video message na ipinost sa kaniyang social media account kamakailan.
"Gusto ko lang po ipaalam sa inyo na magsasarado na po kami sa December 27, 2025 po 'yong last day namin," naiiyak na sambit ni Lim.
Tuloy-tuloy pa rin naman daw silang nagbebenta pa sa mga customer hanggang sa huling araw.
Nagpasalamat din ang owner sa mga tumangkilik ng kanilang mga produkto.
"Maraming maraming marami pong salamat sa lahat ng suppliers namin, mga dati kong estudyante, mga customer namin ito na good bye na after 36 years," ani Lim.
Ibinahagi rin ni Lim ang dahilan kung bakit na nila isasara ang negosyo.
"Ang dahilan po kasi, ayaw na rin po kasing manahin ng mga anak ko. Okay na po kami sa ibang bansa. Ako naman po 'yong mag-aalaga na lang ng mga apo ko kasi matanda na rin ho ako. Hirap na akong magbiyahe-biyahe," aniya.
"Alam n'yo naman na binebenta ko itong castle pero wala pa rin naman pong buyer. Kaya balak sana namin habang walang buyer [na] paupahan pero mag-check pa rin po kayo sa Facebook kung ano na 'yong mga development," ayon pa kay Lim.
"Tatlong taon ko na pong iniiyakan 'to. Kasi hindi ko talaga kaya. Baby ko kasi ito e. Pero kailangan ko nang magsabi ng good bye. Marami pong salamat," dagdag pa niya.
Kilala ang Chocolate Lover Inc. dahil sa mala-castle na building nito, na nagsu-supply ng mga baking supplies mula pa noong 1989.