Opisyal na inanunsyo ni Manila City Mayor Isko Moreno Domagoso nitong Lunes, Nobyembre 17, ang paglalabas ng ₱317 milyong halaga ng year-end bonus at cash gifts para sa mga regular na empleyado ng Manila City Hall.
Sa flag-raising ceremony ng Manila City Hall, binanggit ng Alkalde na covered sa alokasyon na ito ang one-month year-end bonus at ₱ 5,000 cash gift para sa mga kwalipikadong personnel, kabilang ang nasa legislative offices rito.
Ibinahagi din niya na iniutos na niya kay OIC-City Treasurer Atty. Paul Vega ang pagpoproseso ng agarang payout, kasama ang crediting ng bank accounts nito ring Nobyembre 17.
“This morning, na-achieve natin ‘yong ating obligasyon, that’s why I ordered Atty. Paul Vega, our City Treasurer’s Office, to release this afternoon, ₱317,014,291.84 [or] ₱317 million worth of year-end bonus. Hindi bonus ang nagawan natin ng paraan, kasama pa cash gift.
Bagama’t nahirapan sa pagkalap ng pondo na kakailanganin para sa ipamamahaging bonus sa mga empleyedo, binanggit ni Moreno na naging posible ang pamamahagi ng bonus dahil daw sa ipinamalas na disiplina na ibinaba ng department heads sa mga gastusin nila.
Gayundin ang maayos na serbisyo ng mga personnel sa mga Manilenyo na pumupunta sa City Hall para magbayad ng buwis at mag-asikaso ng mga pangangailangan nila.
Ipinalala rin ng Alkalde sa mga Manilenyo ang kasalukuyang General Tax Amnesty sa ilalim Ordinance No. 9118 na puwedeng ma-avail hanggang Disyembre 31, 2025.
Hinikayat din niya ang maagang pagbabayad ng 2026 Real Property Tax, kung saan, mayroong 20% discount para sa mga magbabayad bago ang Disyembre 10.
Para naman sa mga magbabayad mula Disyembre 11 hanggang 29, mayroong 15% discount, at 10% discount naman para sa mga magbabayad mula Disyembre 30, 2025 hanggang January 31, 2026.
Sean Antonio/BALITA