Lumitaw sa malawakang kilos-protesta ng Iglesia Ni Cristo (INC) ang dating Commission on Elections (Comelec) Commissioner na si Rowena Guanzon.
Ayon sa naging talumpati ni Guanzon sa nasabing kilos-protesta ng INC nitong Lunes, Nobyembre 17, sinabi niyang katungkulan daw ng mamamayan ang magsagawa ng kolektibong pagkilos para sa kinabukasan ng susunod na henerasyon.
“Kaya tayo nandito ngayon, naninindigan tayong lahat. Dahil ito ang katungkulan ng mamamayan hindi lamang sa ating saligang batas kundi sa ating mga pamilya sa future ng ating mga anak,” saad niya.
Nagawa ring pasaringan ni Guanzon ang mga umano’y pangakong pag-unlad at demokrasya ng Pamahalaan at iba’t iba pang mga salik na problemang kinakaharap ngayon ng bansa.
“Tayo ay pinangakuan na sa decoratic na gobyerno ay mapapaunlad ang ating bayan, mapapaaral ang ating mga anak, mabibigyan ng trabaho ang ating mga pamilya, mabibigyan ng hustisya ang mahihirap, at walang magugutom, walang mawawalan ng bahay, at walang mawawalan ng pag-asa. Pero ngayon, ang mga pangyayari ay nakakawalang pag-asa,” pag-iisa-isa niya.
“Imbis na mag-surrender tayo, kailangan sumigaw tayo ng karapatan natin sa isang malayang bayan na maunlad at walang magnanakaw,” pagdidiin pa niya.
Kinumpara rin ni Guanzon ang umano’y pagiging kulelat ng bansa ngayon sa turismo, edukasyon, job employment, at foreign investment.
“Tingnan ninyo ang ibang bansa na five years ago lang ay nangunguna tayo sa kanila. Ngayon, nasa kulelat na tayo, nasa ilalim na tayo,” ‘ikani Guanzon.
“Turismo kulelat, edukasyon kulelat, employment kulelat, gross domestic product deficit, foreign direct investment, wala nang pumapasok[...]” dagdag pa niya.
Pagpapatuloy ni Guanzon, malaki raw ang kinalaman ng lahat ng pagbasak na ito sa epekto ng korapsyon.
“Dahil lamang sa isang tinaga, korapsyon! Dahil sa korapsyon, ang Pilipino na dating tinitingala sa ASEAN, na tayo ay magigiting na mga tao, tayong mga Pilipinong hindi nagpapalupig sa mga banyaga, ngayon, nagpapalupig ba tayo sa mga kawatan?” pagtatanong niya.
“Kaya tayo nagra-rally ngayon para marinig nila tayo na hindi n’yo puwedeng gawin ito sa amin na walang mananagot. Kailangang may manananagot. Kung sinoman ang puno nito, kailangan siya’y managot,” paliwanag pa ng dating commissioner.
Kasalukuyan ngayong isinasagawa ang ikalawang araw na kilos-protesta ng INC sa Quirino Grandstand sa Maynila.
Ayon sa tala ng Manila Police District (MPD) nitong 4:00 ng hapon, aabot sa mahigit 300,000 ang kabuuang bilang ng mga dumalo sa nasabing malawakang kilos-protesta.
Inaasahang tatagal ang kolektibong pagkilos ng nasabing religious group sa darating na Martes, Nobyembre 18, 2025.
MAKI-BALITA: #BalitaExclusives: INC members umaasang maaayos ang gulo, mapapanagot may-sala
MAKI-BALITA: INC members, pinabulaanang binayaran sila ng ₱3,000 para dumalo sa protesta
Mc Vincent Mirabuna/Balita