December 12, 2025

Home BALITA National

Zaldy Co, wala raw natanggap sa umano'y ₱100B insertions nina PBBM, ex-HS Romualdez

Zaldy Co, wala raw natanggap sa umano'y ₱100B insertions nina PBBM, ex-HS Romualdez
Photo courtesy: Zaldy Co (FB),MB FILE PHOTO

Naglabas ng bagong pahayag si dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co sa ikalawang bahagi ng kaniyang video statement kaugnay sa pagsisiwalat ng ₱100 bilyon na insertions umano nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., at Leyte 1st District Rep. at dating House Speaker Martin Romualdez.

Ayon sa mga isiniwalat ni Co sa bagong video statement niya sa kaniyang Facebook account nitong Sabado, Nobyembre 15, 2025, ipinagpatuloy niya ang pagkukuwento tungkol sa ₱100 bilyon insertion na may kaugnayan daw kina PBBM at sa dating House Speaker.

“Again, I inform the Speaker [Martin Romualdez] and ask clearance about the instruction ng Pangulo. Ang sabi niya, ‘wala tayong magagawa,’” pagsisimula niya.

Ani Co, nagtaka na raw siya noon kung bakit sinasabi ni PBBM na hindi raw niya matukoy ang mga budget kung dumadaan umano sa kaniya ang mga hinihinging approval ni Department of Budget and Management Sec. Mina Pangandaman.

National

Middle forces, Marcos bloc kailangang magkaisa para 'di manalo Duterte bloc sa 2028—Antonio Trillanes

“Kaya po nagtataka ako kung bakit sinasabi ng Pangulo na hindi niya makilala ang budget samantalang lahat ng binawas at idinagdag sa mga ahensya ng gobyerno ay humihingi ng approval sa kaniya si Sec. Mina Pangandaman[...]” aniya.

“Sinabi pa ni Sec. Mina, everything is cleared with the President. Basta ang importante, pasok ang pondo na request ng Pangulo,” dagdag pa ni Co.

Pagpapatuloy ni Co, sinabi raw sa kaniya ni Sec. Mina sa “masaya” na umano si PBBM noon sa pagpasok ng mga nasabing pondo.

“The following day, sinabi ni Sec. Mina, approved na si Presidente BBM sa lahat ng binawasan na ahensya. Masaya na ang Pangulo dahil naipasok ang 100 billion [pesos] insertion,” pagkukuwento niya.

Giit pa ni Co, wala raw siyang nakuhang pera sa kabila ng paghahatid nila ng mga nasabing insertions at napunta umano lahat iyon kina PBBM at Romualdez.

"Wala pong perang napunta sa akin. Lahat po ng insertion [ay] napunta sa ating Pangulo at Speaker Martin Romualdez,” ‘ika niya.

“Ako lang at ang aking mga tao, sina Paul Estrada[...], at ang aking mga security ang nag-deliver papunta sa bahay nina Pangulong Bongbong Marcos at Speaker Romualdez sa North Forbes Park hanggang sa Malacañang,” pagtatapos pa ni Co.

MAKI-BALITA: Zaldy Co, nanlaglag na? PBBM, nag-utos umano na mag-insert ng ₱100B sa 2025 budget

MAKI-BALITA: Zaldy Co, kinantang si Ex-HS Martin Romualdez nag-utos na 'wag siyang umuwi

Mc Vincent Mirabuna/Balita

Inirerekomendang balita