Naglabas ng mga ebidensya at litrato si dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co kaugnay sa male-maleta umanong naglalaman ng mga pera na inihatid nila kina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., Leyte 1st District Rep. at dating House Speaker Martin Romualdez.
Ayon sa inilabas na bagong video statement ni Co sa kaniyang Facebook account nitong Sabado, Nobyembre 15, sinabi niyang wala raw silang natanggap sa mga male-maletang inihatid nila sa bahay nina PBBM at Romualdez sa Forbes Park hanggang sa Malacañang.
“Wala pong perang napunta sa akin. Lahat po ng insertion [ay] napunta sa ating Pangulo at Speaker Martin Romualdez,” ‘ika niya.
“Ako lang at ang aking mga tao, sina Paul Estrada[...], at ang aking mga security ang nag-deliver papunta sa bahay nina Pangulong Bongbong Marcos at Speaker Romualdez sa North Forbes Park, South Forbes Park hanggang sa Malacañang,” pagbabahagi pa niya.
Ani Co, mayroon daw resibong mga litrato ang mga tauhan ni Co sa nasabing operasyon nila noon sa paghahatid ng mga maleta.
“‘Yong mga deliveries po ay merong record ang aking mga tao. Totoo po ‘yong sinasabi ni Orly Guteza na nag-deliver siya sa Forbes Park,” saad niya, “totoo din po ang sinasabi ni Orly Guteza na nag-deliver siya sa Malacañang.”
Ipinakita ni Co sa naturang video ang mga sinasabi niyang maleta na umano’y naglalaman ng mga pera.
Photo courtesy: Zaldy Co (FB)
Pagpapatuloy ni Co, sinabi rin niya na 25% umano sa ₱100 bilyon ang umano’y napunta sa Pangulo.
“After po ng approval ng budget sa general appropriations act of 2025, nagtanong po ako sa DPWH kung magkano ang kailangan na ibigay sa Office of the President o ang SOP ng binayad,” pagkukuwento niya.
“Ang sinagot sa akin ay 25 percent, ibig sabihin nito, 25 percent ng 100 million ang SOP na kailangang ibigay kay BBM mismo. In total, 25 billion pesos ang napunta kay Pangulong Bongbong Marcos,” pagtatapos pa ni Co.
Samantala, wala pa namang inilalabas na bagong pahayag ang Pangulo at si Romualdez kaugnay rito.
MAKI-BALITA: Zaldy Co, wala raw natanggap sa umano'y ₱100B insertions nina PBBM, ex-HS Romualdez
MAKI-BALITA: Zaldy Co, nanlaglag na? PBBM, nag-utos umano na mag-insert ng ₱100B sa 2025 budget
Mc Vincent Mirabuna/Balita