Makikiisa ang Partido Demokratiko ng Pilipinas (PDP Laban) sa isasagawang kilos-protesta ng Iglesia ni Cristo (INC) at United Peoples Initiative (UPI) kontra korupsiyon.
Sa inilabas na pahayag ng partido noong Biyernes, Nobyembre 14, sinabi ni PDP Laban Vice President for Internal Affairs Atty. Raul Lambino na bukas ang pagkilos para sa lahat ng naninindigan laban sa katiwalian.
"Open to all who stand against corruption and dishonesty. Kung di namam kayo makakasali, let your voice be heard. You can use social media. Dahil di lamang sa flood control ang corruption. Other agencies like BoC, BIR, DoH, etc may corruption din," saad ni Lambino.
Dagdag pa niya, panawagan din umano ang ikakasang pagkilos para mapukaw ang atensyon ng Independent Commision on Infrastructure (ICI) na pinoprotektahan umano si dating House Speaker Martin Romualdez, na siyang totoong mastermind ng korupisyon.
Bukod dito, nakiusap din si PDP Arbitration Chairman Atty. Jimmy Bondoc sa pamahalaan na huwag silang pag-isipan nang masama.
“Hindi po kami inciting [to sedition]. We are inspiring. At sa ating mga kalaban naman, na taong bayan, maniwala po kayo, hindi political ang November 16, hindi partisan. It is about reform and the salvation of our country,” aniya.
Matatandaang nilalayon umano ng INC rally na isulong ang “transparency” at pananagutan pagdating sa mga usaping panlipunan.
Maki-Balita: Atty. Falcis sa ikakasang kilos-protesta ng INC: ‘Uy confirmed si tweety bird, November 15-18 ang Peace Rally’
Samantala, pagpapakita naman ng tunay na kapayapaang naidudulot ng katotohanan, katarungan, at pagkakaisa ang layunin ng mga Muslim at samahan ng One Bangsamoro Movement (1BANGSA) sa tatlong araw din nilang protesta sa EDSA.
Maki-Balita: Bangasomoro Movement, iba’t ibang organisasyong Muslim, raratsada sa EDSA sa Nov. 16-18!