December 12, 2025

Home SHOWBIZ Events

‘Ikakanta ko na lang!’ Gigi De Lana lalahok sa EDSA rally, sana raw makaahon na ang Pilipinas

‘Ikakanta ko na lang!’ Gigi De Lana lalahok sa EDSA rally, sana raw makaahon na ang Pilipinas
Photo courtesy: Gigi De Lana (FB)/MB

Nagbigay ng malinaw at taos-pusong pahayag ang singer-actress na si Gigi De Lana matapos kumpirmahing lalahok siya sa magaganap na rally sa EDSA People Power Monument sa Linggo, Nobyembre 16, 2025, kaugnay pa rin sa isyu ng korapsyon at anomalya sa bansa.

Sa isang Facebook post, ipinagpauna nang sinabi ni Gigi na ang kaniyang pagdalo sa nabanggit na pagtitipon.

"Ako po ay kakanta at makikilahok sa pagtitipon sa EDSA People Power Monument ngayong Linggo, Nov. 16, 2025. Gusto ko pong linawin: hindi po ako pulitiko. Hindi po ako kumakampi o kumakalaban sa kahit sino. Ako po ay isang mang-aawit na lumaki rin sa hirap, isang anak na nangarap lang na makatulong at makapagbigay ng kaunting ginhawa sa pamilya," aniya.

Inalala rin ng singer ang kaniyang pinagmulan; isang batang nangarap na makatulong sa pamilya, at isang mang-aawit na minsang walang kumpiyansa sa sariling boses. Ngunit sa pagdaan ng panahon, nakakita raw siya ng mas malalim na dahilan para gamitin ang talento: ang makapagbigay ng pag-asa.

Events

Chelsea Fernandez, inirampa Maranao Sarimanok sa Miss Cosmo 2025

Hindi raw siya pumayag na kumanta at dumalo sa rally para makisawsaw sa alitan o paghahati-hati, kundi para maghandog ng sandaling katahimikan at pag-asa sa mga dadalo.

"Dati po, wala naman akong lakas ng loob o boses sa mundo. Pero natutunan kong minsan, kahit maliit lang ang pinanggalingan mo, kapag nagbigay ka ng puso, may maaabot pala."

"Kaya po ako nariyan. Hindi para makipag-away, kundi para magbigay ng sandaling katahimikan at pag-asa. Ramdam ko rin ang bigat na dinadala ng maraming Pilipino, galing din po ako riyan," saad ng singer-actress.

Bagaman aminado siyang hindi niya hawak ang sagot sa mga problema ng bansa, naniniwala siyang may halaga pa rin ang pag-awit mula sa puso—isang dasal para sa kapayapaan at pagkakaisa.

"Hindi ko man alam ang lahat ng solusyon, alam ko po kung paano umawit mula sa puso. At kung may maibibigay man ako, iyon ay isang boses na nagdarasal para sa kapayapaan, pagkakaisa, at pag-ahon ng ating bansa."

"Kaya ikakanta ko na lang ang aking damdamin. Isang munting alay mula sa isang simpleng babaeng nangarap, para sa bansang patuloy ding nangangarap."

Photo courtesy: Screenshot from Gigi De Lana/FB

Sa huli, nag-iwan siya ng mensaheng puno ng pag-asa: “Sana, makaahon na ang Pilipinas.”

Samantala, sasabay ang nabanggit na rally sa magaganap na pagtitipon ng mga miyembro ng Iglesia Ni Cristo (INC) sa Rizal Park sa Maynila mula Nobyembre 16 hanggang 18, na bukas pati sa mga hindi miyembro ng nabanggit na sektang panrelihiyon.