Ibinahagi ni Sen. Imee Marcos ang ilang mga posibleng mangyari sa muling pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa imbestigasyon ng maanomalyang flood control projects, sa Biyernes, Nobyembre 14, 2025.
Sa panayam sa kaniya ng media nitong Huwebes, Nobyembre 13, iginiit niyang ilang mga kongresista raw ang sisipot upang pabulaanan ang kaugnayan ni dating House Speaker Martin Romualdez sa isyu ng flood control projects.
“Ang latest chika, ang magaganap bukas diyan sa Blue Ribbon, ay yung mga Congressman pupunta don. May script na daw sila, at liliwanaging walang kinalaman si Martin Romualdez, si Bonjing,” anang senadora.
Kaugnay naman ng sisipot na primaryang witness sa Senado, ibinunyag ng senadora na si dating Ako Bicol Partylist Elizaldy Co raw dadalo sa pagdinig, sa pamamagitan ng Zoom.
“At ang ating VIP, hindi na star witness kasi ‘di na aappear ang dating House Speaker, kundi ang darating daw eh si Zaldy Co on Zoom. Yun ang latest na balita baka magbago pa, tignan natin baka magbago pa. Panoorin ninyo at alam naman nating lahat, niloloko lang tayo,” saad ni Sen. Imee.
Matatandaang noong Miyerkules, Nobyembre 12, nang iginiit din ng senadora na magbabago rin daw ang naunang pahayag ni Orly Goteza—ang dating Senate witness na nagsiwalat umano ng paghahatid ng mga maleta na puno ng pera sa bahay nina Romualdez at Co.
“Ang mangyayari ngayon, magre-recant ang mga testigo. Panoorin ninyo, sigurado ako diyan. Isa-isa ‘yan na biglang babaliktad dahil pini-pressure, tinatakot ang pamilya, at halos tinutukan ang asawa’t anak,” pahayag ni Sen. Imee sa ambush interview sa Senado.
KAUGNAY NA BALITA: ‘Tinakot na pamilya?’ Orly Guteza, babaligtad bilang testigo dahil sa umano’y pine-pressure—Sen. Imee