January 06, 2026

Home BALITA

‘Hindi lagot?’ Paglipad sa Germany ni Isabela Gov. Albano, ‘purely legitimate!’—DILG Sec. Remulla

‘Hindi lagot?’ Paglipad sa Germany ni Isabela Gov. Albano, ‘purely legitimate!’—DILG Sec. Remulla
Photo courtesy: Balita file photo


Isiniwalat ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na para sa kanila, wala umanong pananagutan si Isabela Province Governor Rodolfo Albano III, matapos nitong lumipad patungong Germany para dumalo sa isang agri fair.

Kaugnay ito sa pahayag ng Palasyo na hahayaan na nila kay Sec. Remulla ang imbestigasyon hinggil sa mga lokal na opisyal na umalis ng bansa kahit na nakataas ang banta ng bagyong Uwan sa malaking bahagi ng Luzon at Visayas kamakailan.

“Ito po ay under investigation. Ito po ay nasa pangunguna ni [DILG] Secretary Jonvic Remulla. So, hayaan po natin na gawin muna ang kaniyang pag-iimbestiga,” ani Usec. Castro.

KAUGNAY NA BALITA: 'Bakasyon o aksyon?' Palasyo, hahayaan na kay Sec. Remulla isyu ng mga opisyal na lumipad pa-abroad-Balita

Sa panayam ng DZMM Teleradyo kay Sec. Remulla nitong Miyerkules, Nobyembre 12, nanindigan ang kalihim na “purely legitimate” ang pag-alis ng gobernador, at para sa kaniya ay wala raw itong pananagutan.

“Opo [pinayagan po ang pagbiyahe niya dahil] nag-apply po siya ng permit few weeks ago, kasi po ang Isabela ay agri province. So, may malaking agri fair talaga sa Germany na pumupunta siya every year, scheduled ‘yan, para sa latest technology. So, noong umalis siya, the day before we issued that travel advisory, so purely legitimate naman ‘yang pag-alis niya, wala pa kaming travel ban sa lugar niya,” panimula ni Sec. Remulla.

“Pagdating niya roon, naisyu ang travel ban—so sabi niya, uuwi na siya nang noong nakuha niyang ticket, next available ticket, siyempre magulo ‘yan. Sabi niya, mag-eextend na lang daw siya kasi wala naman daw nangyari sa kaniyang lalawigan,” pagpapatuloy niya.

“Sa amin, sa mata namin po, wala [siyang pananagutan]. Dahil pag-alis niya po ay klaro, pagdating niya roon, in-advise naming umuwi siya. So, sa tingin namin, so far sa investigation namin, wala pa. Ang may pananagutan diyan, mayroon kaming mga 24 na local government officials na umalis nang walang foreign travel authority, at may ban na sa pag-alis, so double whammy sila,” saad pa ni Sec. Remulla.

Kinumpirma rin ng kalihim na ang may mga paglabag ay maaaring humarap sa reklamong gross negligence, gross insubordination, and abandonment of post, dahil sa pag-alis ng mga ito kahit na nagbaba na ang DILG ng memorandum ukol dito.

Ayon pa sa kaniya, mahalaga pa rin daw na “physically present” ang gobernador sa kaniyang lalawigan, kahit na mayroon namang vice governor na maaaring humalili sa kaniya.

“Para sa akin po, physically I would prefer that they’d be there kasi the ultimate responsibility lies in the local chief executive e. Nasa kanila ‘yan. Kung may mangyari, siyempre, ang liability, wala po sa vice governor ‘yan, nasa governor po ‘yan, at nasa mayor po ‘yan. Kasi in officer-in-charge  lang naman ang nananatili dito. Kailangan nakasama sa patakaran nila yan, kasama sa sworn duty nila na gagampanan nila ang kanilang katungkulan bilang local chief executives,” anang kalihim.

“It’s also a moral calling na kung mayroon kang konsensya para sa mga constituents mo, dapat nandito ka. Hinanal ka nila, may tiwala sila sa’yo, tapos pagdating ng tag-unos, mawawala ka bigla, e umaasa ‘yong mga tao e, umaasa sa mga desisyon mo e, kung anong gagawin e,” pagtatapos niya.

Matatandaang kamakailan, nilinaw mismo ni Gov. Albano III sa isang panayam ang dahilan kung bakit sila tumungo papuntang Germany, at bakit hindi siya kaagad makakabalik ng bansa.

“At saka noong dumating ‘yong order na ‘yan sa amin, it was on the ninth [of November], nakaalis na kami actually. Hindi naman kami puwedeng bumalik kaagad. Kasi kung babalik din kami, kunwari kukuha kami ng ticket ng [November 10], sasalubungin din namin ‘yong bagyo diyan. So useless,” aniya.

“Kami naman nandito sa Germany para tumingin din. Agri-fair kasi dito. Matagal ko nang pinaalam ito kay Secretary Jonvic Remulla. Para looking forward tayo, pagiging proactive, naghahanap kami ng mga equipment, panibagong mga technology para rin sa ating mga magsasaka at para mapabilis ang kanilang saka[...]” dagdag pa niya.

KAUGNAY NA BALITA: Isabela governor, dumepensa; nilinaw dahilan sa paglipad sa Germany-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA

Inirerekomendang balita