Inihayag ng Malacañang na hahayaan na lamang nila na si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla ang mag-imbestiga hinggil sa mga lokal na opisyal na lumipad patungong ibang bansa, kahit na nananalasa ang bagyong Uwan sa malaking bahagi ng Luzon at Visayas kamakailan.
Sa ginanap na press briefing ng Presidential Communications Office (PCO), kasama ang Malacañang Press Corps (MPC) nitong Martes, Nobyembre 11, sinabi ni PCO Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro na “under investigation” na ang naturang isyu.
“Ito po ay under investigation. Ito po ay nasa pangunguna ni [DILG] Secretary Jonvic Remulla. So, hayaan po natin na gawin muna ang kaniyang pag-iimbestiga,” ani Usec. Castro.
Natanong din ang press officer hinggil sa ginamit na pondo para sa naturang “foreign trips,” at dahil ito ay tila nagiging “practice” na ng mga lokal na opisyal.
“Kaya nga po iimbestigahan po ito, kasi kailangang malaman kung ito’y bakasyon bakasyon at hindi aksyon,” anang press officer.
“Marami po kasi talagang nagbabakasyon habang may kalamidad, at ‘yan po ang hindi gusto ng ating Pangulo. So, tingnan po natin, imbestigahan po natin kung sila ay may kinakailangang mapanagutan,” saad pa niya.
Matatandaang kamakailan, naglabas ang DILG ng isang memorandum hinggil sa pagsususpinde ng mga “official and unofficial foreign travels” ng mga opisyal na sasapit sa petsang Nobyembre 9 hanggang 15.
Ito ay upang masiguro na magpapatuloy ang pagpapadala ng tulong sa mga naapektuhan ng bagyong Tino, at paghahanda naman sa posibleng epekto ng bagyong Uwan.
KAUGNAY NA BALITA: 'Kahit may memo dahil sa bagyo, umalis pa rin!' Pakay ng ilang opisyal sa paglipad abroad, bubusisiin-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA