Pinabulaanan ni Vice President Sara Duterte ang pagdadawit ng pangalan niya sa umano’y listahan ng mga nagsusulong ng destabilisasyon laban sa gobyerno na inilabas ng beteranong radio broadcaster at kolumnista na si Ramon Tulfo.
Ayon sa naging panayam ng media kay VP Sara sa Negros Occidental noong Martes, Nobyembre 11, itinanggi niya ang tungkol sa pagkakadawit ng pangalan niya sa isiniwalat na listahan ni Tulfo bilang financer umano sa destabilisasyon sa gobyerno.
“Kasi ‘yong mga ganiyan na kung napapansin n’yo, ako ay hindi talaga ako nabibigay ng mga alegasyon kung wala akong ebidensya,” saad niya.
Ani pa ni VP Sara, “chismis” raw ang mga alegasyon na walang sapat ba batayan o ebidensya.
“So ‘yong mga ganiyan, kapag meron kang alegasyon, wala kang ebidensya, ang tawag niyan ay chismis o ang tawag sa iyo ay chismosa,” pagtatapos pa niya.
Kaugnay nito ang kamakailang inilabas na listahan ni Tulfo sa kaniyang Facebook account kung saan makikita ang pangalan nina VP Sara, Davao 1st district Rep. Paolo “Pulong” Duterte, at dating Ilocos Sur Gov. Luis "Chavit" Singson bilang financer sa nasabing destabilisasyon sa gobyerno.
Photo courtesy: Ramon Tulfo (FB)
Samantala, hindi naman sinaad ni Tulfo kung saan at kanino niya nakuha ang impormasyon sa nasabing destabilisasyon.
MAKI-BALITA: VP Sara, may irereto raw int'l lawyer kay Sen. Bato sakaling hulihin ng ICC
MAKI-BALITA: 'Kinahihiya ko asal n'yo!' Mon Tulfo, umalma sa inugali ng mga taga-Manay sa pagbisita ni PBBM
Mc Vincent Mirabuna/Balita