May 22, 2026

Home BALITA National

‘Trabaho-trabaho, hindi bakasyon!’ PBBM, ayaw sa lideratong 'chill-chill' lang

‘Trabaho-trabaho, hindi bakasyon!’ PBBM, ayaw sa lideratong 'chill-chill' lang
Photo courtesy: Bongbong Marcos/FB


Hindi raw gusto ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga opisyal ng pamahalaang “chill-chill” lang, sapagkat umaasa raw ang taumbayan sa tulong ng gobyerno, ayon sa press briefing na isinagawa ni Presidential Communications Officer (PCO) at Palace Press Officer Atty. Claire Castro ngayong araw ng Martes, Nobyembre 11.

Kaugnay ito sa mga lokal na opisyal na itinuloy ang kanilang paglipad patungong ibang bansa, kahit na nakataas na ang banta sa malaking bahagi ng bansa dulot ng pananalasa ng bagyong Uwan kamakailan.

KAUGNAY NA BALITA: 'Kahit may memo dahil sa bagyo, umalis pa rin!' Pakay ng ilang opisyal sa paglipad abroad, bubusisiin-Balita

“Unang-una sa Pangulo, hindi po niya gusto ito. Hindi niya po gusto na ang mga liderato ay chill-chill lang. So, dapat, ang trabaho ay para sa taumbayan—kasi ang taumbayan umaasa po sa gobyerno, lalo na sa mga ganitong klaseng sitwasyon at kondisyon,” ani Castro.

“So, hindi puwedeng sabihin lang na chill-chill lang palagi, dahil dapat trabaho-trabaho, hindi bakasyon. Although hindi ko sinasabing nagbabakasyon sila, still, sinasabi ko lang, natin, iwasan natin na umalis ng bansa, tumugon sa kalagayan ng ating mga kababayan—lalong-lalo na kapag mayroong sakuna o delubyong ganito,” saad pa niya.

Nang matanong ang press officer hinggil sa reaksiyon ng Pangulo matapos marinig ang naturang isyu, binigyang-diin niyang ayaw raw talaga ni PBBM ang ganito.

“Unang-una siyempre po ang Pangulo, ayaw niya po ng mga opisyal na nagbabakasyon lang; pero kung ito po ay naka-iskedyul na, ‘yon po ang magiging daan para ito’y paimbestigahan. Dahil kung sila po ay pinababalik nang agaran, magbigay po sila muna ng kanilang mga explanation, at sila naman po ay bibigyan ng pagkakataon ni Secretary Jonvic Remulla kung bakit ‘di sila agad nakabalik; despite na na-utos po siya,” anang press officer.

“So, tingnan po natin kung ang kanilang magiging rason ay reasonable, ay maaari po silang pakinggan. Pero kung ito po ay hindi magiging reasonable, at nakaantala sa pagbibigay ng agarang aksyon sa mga nasasakupang lugar nila para sa dumating na bagyong Uwan at Tino, doon po natin malalaman kung ano ang magiging desisyon ng DILG,” pagtatapos niya.

Matatandaang sa parehong press briefing, hinayaan na ng Palasyo sa kamay ni DILG Sec. Jonvic Remulla ang imbestigasyon kaugnay sa mga lokal na opisyal na lumipad patungong ibang bansa, habang hinahagupit ng bagyong Uwan ang malaking bahagi ng Luzon at Visayas kamakailan.

“Ito po ay under investigation. Ito po ay nasa pangunguna ni [DILG] Secretary Jonvic Remulla. So, hayaan po natin na gawin muna ang kaniyang pag-iimbestiga,” ani Usec. Castro.

KAUGNAY NA BALITA: 'Bakasyon o aksyon?' Palasyo, hahayaan na kay Sec. Remulla isyu ng mga opisyal na lumipad pa-abroad-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA