Usap-usapan ng mga netizen ang mga panibagong pasabog ng aktor at dating politikong si Anjo Yllana, na sa pagkakataong ito, sa dating co-host sa "Eat Bulaga" na si Jose Manalo na tinawag niyang "masama ang ugali" at "ahas."
Sa inilabas na TikTok video ni Anjo, nagpakawala siya ng rebelasyon tungkol kay Jose noong magkasama pa sila sa noontime show.
Nag-react kasi si Anjo sa pagpapalit ng pangalan niya sa kantang "Bakit Papa” ng SexBomb Dancers sa nagdaang guesting ng huli sa Eat Bulaga sa TV5, kung saan, ang binanggit na pangalan ay Jose Manalo.
Mula sa dating linya na “Si Anjo Yllana, mukhang may pagtingin,” ay naging "Si Jose Manalo, mukhang may pagtingin.”
Banat ni Anjo, “Sasabihin ko na nang diretso, isa sa pinakamasamang ugali sa Eat Bulaga si Jose Manalo. Kapag wala si Bossing (Vic Sotto), sobrang nagyayabang ’yang taong ’yan. Ilang ulit ko na rin siyang muntik nang upakan,” pahayag ni Anjo.
Ibinunyag din ni Anjo na naging karelasyon niya noon ang EB Babe na si Mergene Maranan, na ngayon ay misis na ni Jose.
Kuwento ni Anjo, kinausap daw noon ni Jose ang karelasyon at sinabihang bakit sa "may asawa" pa siya nakikipagrelasyon.
“Ito for the first time, aminin ko sa inyo. No'ng ako ay hiwalay sa aking asawa, nagkaroon ako ng girlfriend at minahal ko naman siya. Sa katunayan, nag live-in kami ng almost one year. Hindi naman maiwasan na nagkatampuhan," ani Anjo.
“Minsan nag LQ [lover's quarrel] kami, nag-sumbong sa akin 'yong girlfriend ko, medyo parang umiiyak siya no'n eh. Pinagalitan daw siya ni Jose Manalo. Ang sabing gano'n, ‘Bakit ka kumakabit sa may asawa? May asawa na 'yon. Hiwalayan mo 'yan si Anjo. May asawa na yan!’ Eh hiwalay na nga ako, 'di ba?"
“Kaya pala niya ginawa 'yon. Oo, ngayon asawa na niya si Mergene Maranan. Girlfriend ko 'yan isang taon. Okay kami niyan. Wala kaming problema masyado niyan. Ang ano ko lang.. Ahas talaga itong si Jose Manalo," maanghang na banat ni Anjo.
Matatandaang kamakailan lamang, nauna na niyang binanatan si Senate President Tito Sotto III patungkol sa mga umano'y "atraso" nito sa kaniya at sa mga umano'y kabit nito, subalit batay sa pag-uusap nina Anjo at Vic at Maru Sotto, mga kapatid nito, "ceasefire" na raw sila.
KAUGNAY NA BALITA: 'Ceasefire na!' Anjo, 'di na tutuloy sa ayudang tsika tungkol sa umano'y chicks ni SP Sotto
Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag ang kampo ni Manalo patungkol sa isyu.