January 22, 2026

Home BALITA

Cashless system sa LRT-1, LRT-2, raratsada na rin!

Cashless system sa LRT-1, LRT-2, raratsada na rin!
Photo courtesy: via MANILA BULLETIN

Posibleng mabawasan na ang mahabang pila ng mga pasahero sa mga pampublikong tren sa Metro Manila matapos ihayag ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na mas maagang ilulunsad ang cashless fare payment system sa Light Rail Transit (LRT) Lines 1 at 2.

Sa Hong Kong Fintech Week 2025, sinabi ni BSP Deputy Governor Mamerto Tangonan sa Manila Bulletin na bagama’t nakatakdang ipatupad ng pamahalaan ang sistemang ito, maaari na itong simulan ngayong Nobyembre.

Kinumpirma rin ni Lito Villanueva, executive vice president ng Rizal Commercial Banking Corp. (RCBC), na opisyal na magsisimula ang unang “scan and tap” sa Nobyembre 25.

Aniya, lahat ng bangko at e-wallets ay maaari nang gamitin sa mga turnstile ng LRT dahil sa interoperability.

CPJ kinondena hatol na 'guilty' kay Frenchie Mae Cumpio

“All the other banks and e-wallets are participating because of interoperability. That’s what the BSP has insisted on since the start — it has to be interoperable. We don’t like proprietary solutions, closed loops,” ani Tangonan.

Batay sa itinakdang standards ng Department of Transportation (DOTr), saklaw ng sistema ang stored value ng beep cards, QR codes, at tap cards.

Tiniyak ni Tangonan na hindi magiging magastos ang transisyon at nakikipag-ugnayan na ang DOTr sa mga private sector partners para rito.

Ayon kay Villanueva, sa Phase 1 ng proyekto, susundan muna nito ang setup ng MRT-3, kung saan isang turnstile lamang muna ang itatalaga para sa cashless payment. Gayunman, kabilang din sa unang yugto ang pagpapalit ng lahat ng turnstiles na tumatanggap lamang ng stored-value cards.

Dagdag pa ni Tangonan, kapag maayos na gumagana ang sistema at tumataas ang bilang ng gumagamit nito, maaari itong palawakin sa mga bus carousel at iba pang linya ng tren sa Metro Manila.

Ipinaliwanag din niya na layunin ng cashless fare collection system na hikayatin ang mga hindi pa nakabubukas ng bank account na pumasok sa digital transactions.

Kaugnay nito, iniulat na nadagdagan ng 300 beep cards noong Agosto upang tugunan ang kakulangan ng stored-value cards sa lahat ng istasyon ng tren.

Matatandaang noong Hulyo 2025 nang mauna nang ilunsad sa MRT-3 ang cashless system sa pangunguna ni noo’y Department of Transportation (DOTr) Sec. Vince Dzon.

KAUGNAY NA BALITA: Cashless payment sa MRT-3, kasado na!