December 13, 2025

Home FEATURES Kahayupan (Pets)

#BalitaExclusives: Cebuano fur parents, tiniyak na kasama fur babies sa paglikas

#BalitaExclusives: Cebuano fur parents, tiniyak na kasama fur babies sa paglikas
Photo courtesy: Jojo Dela Cruz Geolin (FB)

Kinaantagan ng maraming netizens ang paglikas ng mga residente ng Poblacion, Talisay City, Cebu, kasama ang kanilang fur babies sa kasagsagan ng paghagupit ng bagyong “Tino.” 

Sa Facebook post ng isang netizen, makikita na buhat ng maraming residente ng Poblacion ang kanilang mga alagang aso habang sinusuong ang baha sa kanilang lugar. 

“Thank You, People of Poblacion, Talisay City, Cebu for taking care of our Fury friends amidst the waterflood caused by heavy rains due to #TinoPH,” saad ng ni Jojo Dela Cruz Geolin sa kaniyang post. 

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Jojo, ibinahagi niya na karamihan ng mga aso sa post ay alaga ng mga residente, ang ilan dito ay mga stray dogs din o mga asong pagala-gala lang sa mga kalsada. 

Kahayupan (Pets)

Alagang pusa, nategi dahil sa maling pagkakaunawa sa ‘pampatulog’

“There were a few stray dogs doon sa pictures ko that were still taken care of by some pet-lover strangers. But mostly, mga alagang pets po nila yung dinadala nila,” saad niya. 

Binanggit din niya na marami raw talagang pet lovers sa Cebu, kaya bagama’t first time mangyari sa kanilang barangay ang malaking pagbaha, tiniyak ng mga ito na maililikas din ang kanilang mga alaga, at strays na madalas nakikita sa daan. 

Nang tanungin naman kung may ilan pa bang mga alaga na nangangailangan ng rescue, ibinahagi ni Jojo na karamihan naman na raw sa Poblacion ay nailikas, ngunit sa mga barangay sa probinsya na sobrang napinsala ng pagbaha, may ilang alaga na hindi nailikas. 

“Sa Barangay namin sa Poblacion, so far, nailigtas na man lahat even yung stray dogs and cats. Unfortunately for heavily-affected areas or Barangays, visible po yung few pets na hindi nailigtas or nakaligtas,” saad niya. 

Sa kaugnay na panayam, ibinahagi ni Jojo na hindi nila inaasahan ang pagabot ng rumaragasang baha sa kanila sa Brgy. Poblacion, bandang 8:30 AM noong Martes, Nobyembre 4. 

“Bigla nalang pong bumaha mga bandang 8:30 am last November 04, 2025 dahil umabot sa barangay namin ‘yong rumaragasang tubig ng baha from Mananga River in Brgy. Biasong, Talisay City, which is about more than a kilometer in distance. Unexpected po talaga yung baha na yun sa'min kasi hindi na man po talaga flood-prone yung barangay namin,” paliwanag niya. 

Sa kasalukuyan, mas maayos na raw ang sitwasyon nila sa Poblacion at mayroon namang clearing operations sa mga katapat nilang barangay dala ng pagragasa ng baha mula sa Mananga River. 

“Ok na po kami ngayon particularly dito sa Poblacion, Talisay City, Cebu. ‘Yong mga katapat na Barangays ang grabeng nasalanta ng Baha dahil sa rumaragasang tubig from Mananga River. Clearing Operations are still on going at wala pa ring kuryente at tubig,” pagtitiyak ni Jojo. 

Sean Antonio/BALITA