Usap-usapan ang pinakawalang Facebook post ni Cebu Governor Pam Baricuatro hinggil sa naranasang matinding pagbaha sa Cebu bunsod ng pananalasa ng bagyong Tino.
Hindi napigilan ng gobernadora na muling kuwestyunin ang flood control funds sa Cebu na umabot daw sa ₱26 billion, subalit malala pa rin ang naging epekto ng pagbaha.
Batay sa mga kumalat na larawan, ilang mga residente ang sapilitang inilikas mula sa kanilang mga tahanan, at ilang mga mamahaling sasakyan din ang nagkapatong-patong at naghambalang matapos anurin ng matinding pagbaha.
"26 billion of flood control funds for Cebu yet we are flooded to the max," mababasa sa post ni Baricuatro, noong Martes, Nobyembre 4.
Photo courtesy: Screenshot from Pam Baricuatro
Ibinahagi rin ni Baricuatro ang ilang mga larawan ng sitwasyon sa kaniyang hometown, ang Pinamungajan, kung saan makikitang halos lagpas-tuhod na ang antas ng baha.
"My hometown, Pinamungajan..What happened to the flood control projects?" patuloy na pagkuwestyon ng Cebu governor.
Samantala, ipinagbigay-alam din ng gobernadora sa kaniyang nasasakupan ang ginagawa niyang hakbang sa gitna ng kalamidad. Nagbigay rin siya ng mensahe para sa lahat ng Cebuano.
"We continue to do everything we can. Search and rescue operations are ongoing, relief packs are being distributed, and the first round of leptospirosis prophylaxis has been administered to our PDRRMO responders. More assistance will arrive tomorrow as additional supplies and teams are deployed," aniya.
"To all Cebuanos — let us remain united, calm, and compassionate. We have faced challenges before, and we will overcome this one together. Kumbati, Sugbo," dagdag pa niya.