Nagbitiw ng makahulugang hirit si Senador Robin Padilla kaugnay sa sangay ng pamahalaang pinagtatrabahuhan niya.
Sa latest episode kasi ng “Fast Talk with Boy Abunda” noong Martes, Oktubre 29, naitanong kay Robin kung tuluyan na ba niyang iniwanan ang showbiz.
Pero sabi niya, “Hindi po. Katunayan, katatapos ko lang no’ng ‘Bad Boy 3.’ 11 years in the making. 2014 po kami nag-umpisa ng filming. Nahinto lang no’ng pumasok ako sa politika.”
Ayon kay Robin, nakatakda umanong lumabas sa Disyembre ang naturang pelikula.
“Kung iisipin mo, hindi naman talaga natin iniiwan ang industriya,” saad ni Boy.
“Hindi po,” sagot ng actor-turned-politician. “Pero mas maraming magaling na artista sa Senado. Mas maraming mas magaling sa akin do’n. Kaya hindi ko na-miss.”
Matatandaang si Robin ang nangunang senador noong 2022 presidential elections sa ilalim ng partidong PDP-Laban.
Sa kasalukuyan, siya ang tumatayong chairperson ng Senate Committee para sa Public Information and Mass Media at Cultural Communities and Muslim Affairs.