“Ngayon n’yo sabihing wala silang feelings!”
Isa sa pinakamasakit na maaaring maranasan ng isang tao ay mawalan ng mga taong minamahal nila sa buhay.
Maaaring sa pagkakataong pagkasawi ng kanilang kapamilya, kakilala, at higit sa lahat kaibigan.
Lagi’t laging may puwang sa puso ng isang nilalang ang magluksa nang matindi dahil sa paglisan ng kakilala at minamahal.
Ngunit paano kung ang mawalan at maiwan ng kanilang matalik na kaibigan ay hindi isang tao?
Paano kung isa silang asong walang muwang sa paglisan ng mga mortal na nilalang sa mundo?
Ganito ang kuwento ni Tyler, half aspin at half corgi, sa pagpanaw ng kaniyang matalik na kaibigan na si Marshall, isang Belgian Malinois, na labis na umantig sa puso ng netizens.
Ayon sa viral video na inupload sa Tik Tok ng uploader na si John Henry "Heinz" M. Pelador noong Linggo, Oktubre 26, makikita si Tyler na tila dumadamba pa rin sa kaniyang best friend na si Marshall at wala nang buhay.
“Kung pwede ka lang talaga mabuhay ulit bespren ko,” saad sa caption ng nasabing post.
Photo courtesy: Heinz Pelador (Tik Tok)
Samantala, sa eksklusibong panayam ng Balita kay Pelador nitong Lunes, Oktubre 27, sinabi niyang may hinala sila na cardiac arrest ang naging sanhi ng biglang pagkawala ni Marshall.
“Unexpected po yung pagkawala niya. Pero based po sa pagkawala niya, feel po namin na cardiac arrest po siya. Sabi rin po ng mommy ko, masigla pa siya the day before he passed away. Masigla at nilalambing pa ang mommy ko, kiniss pa daw si mommy noon at niyayakap,” pagsisimula ni Pelador.
Pagpapatuloy niya, bigla na lang daw nilang nakitang wala nang buhay si Marshall.
Mas naging masakit umano ang tagpo sa kanila sa pagkawala ni Marshall nang lumapit na si Tyler dito at sinubukang gisingin at tila magsagawa ng Cardiopulmonary resuscitation (CPR) sa bestfriend niya.
“Ginising po ako ng kapatid ko no’n at sinabi sa ‘kin na ‘Kuya Heinz, wala na si Marshall bumangon kana,’ nagdali-dali akong bumangon sa aking higaan at no’ng pagbaba ko, nakita ko na lang nakahandusay na ang kaibigan ko,” pagkukuwento ni Pelador.
“Hindi pa ako naiyak agad dahil pinipigilan ko pero no’ng nakita kong nilapitan na siya ng bespren niya [si Tyler] at sini-CPR, doon na ko naghagulgol. Nag-iyak lahat kami naiyak na dahil simula dumating sa ‘min yo’ng dalawang ‘yan sila nang dalawa ang magkasama hanggang paglaki,” pagdaragdag pa niya.
Ani Pelador, doon niya naisip sa pagkakataong iyon na may pakiramdam ang mga hayop partikular na sa mga aso.
“Doon ko naramdaman na talagang may pakiramdam ang mga aso katulad lang din ng tao, napakasakit ng mawala ang pinakamamahal naming aso,” saad niya.
Pagkukuwento pa ni Pelador, nakita raw niyang nagluluha ang mata ni Tyler habang pinapanood ang paglilibing nila kay Marshall.
“No’ng habang inililibing namin si Marshall, nanonood lang si Tyler at nagluluha habang nilalagay namin si Marshall sa bakuran namin. Ramdam namin na nalulugmok at nasasaktan din siya sa pagkawala ng bespren niya,” ‘ika ni Pelador.
Nagbigay naman ng mensahe si Pelador para sa mga nakapanood ng nasabing video ng kaniyang mga aso at para sa mga kapuwa niya fur parent.
“Ngayon, isa sa pinakamabigat na bahagi ng pagiging isang fur parent ang naranasan ko ang mawalan ng isang tapat, mapagmahal, at tunay na kaibigan. Ang aking Belgian Malinois ay hindi lang basta aso, siya ay naging bahagi ng bawat araw ko, ng bawat saya at lungkot na pinagdaanan ko,” ani Pelador.
“Sa mga kapuwa ko may alagang aso, yakapin ninyo sila nang mas mahigpit araw-araw. Bigyan ninyo sila ng oras, ng lambing, at ng pagmamahal na deserve nila. Dahil darating ang araw na ang mga tahol at halik nila ay magiging alaala na lang,” pagtatapos pa niya.
Mc Vincent Mirabuna/Balita